Tila taliwas sa nakararami ang paniniwala ng aktor na si James Blanco kaugnay sa kamatayan na hindi umano niya kinatatakutan.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” noong Biyernes, Marso 13, sinabi ni James na nagmamadali raw siyang mauna sa langit.
Ito ay matapos mapag-usapan ang tungkol sa relasyon nila ng tatlo niyang anak kabilang na si dating “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” housemate Iñigo Jose
Kinumpirma ni James ang nauna nang sinabi ni Iñigo nang minsan sumalang ang huli sa isang episode ng vlog ni Ogie.
“Napanood ko ‘yong interview mo sa kaniya,” sabi ni James. “Hindi pa kami nakakapag-usap talaga.”
Kaya naman masakit umano para sa kaniya na hindi niya kasama ngayon ang mga anak samantalang noon naman ay malapit sa isa’t isa. Sa katunayan, nami-miss na nga raw niya ang mga ito.
“Sobra,” aniya, “kasi anak ko buhay ko, e. Buhay ko ‘yong mga anak ko.”
At anoman daw ang ipinapayo niya sa mga anak ay para din sa mga ito dahil patanda na siya. Kaya hiling niya, huwag na raw sanang hintayin pang mapunta siya sa ospital bago marinig ang mga gusto niyang sabihin noong mga panahong malakas pa siya.
Ayon kasi kay James, ayaw daw niyang bumigat at sumakit ang damdamin ng mga anak niya sa ganoong tagpo. Pero hindi naman daw siya natatakot mamatay.
“Kung papipiliin lang ako, ‘di ba may kasabihan na lahat tayo gustong pumunta sa langit pero ayaw mauna? Ako, hindi. Nagmamadali pa ako. Ako na,” saad ni James.
Dagdag pa niya, “Papunta na ako sa langit, e. Bakit pa ako magse-stay dito? Ang ganda-ganda ng promise ng Panginoon, e. Bakit pa ako dito nagsa-suffer na ako rito?”
Sa katunayan, ayon kay James, hindi raw niya nilalabanan minsan kapag napaparalisa umano ang katawan niya.
“Nando’n ‘yong pangako ng Diyos, e. Wala na akong pain na mararamdaman,” paliwanag pa ng aktor.
Kaya naman masaya raw siya para sa mga taong tinanggap ang Diyos bago sumakabilang-buhay dahil alam niya kung saan pupunta ang mga ito hindi kagaya ng mga nabubuhay pa rin na tuloy ang pagdurusa at paghihirap sa mundo.
Kaugnay na Balita: Lee Victor, Iñigo Jose nagbabu na sa Bahay ni Kuya