March 10, 2026

Home BALITA Metro

Four-day workweek, kasado na sa Manila LGU!

Four-day workweek, kasado na sa Manila LGU!
Photo courtesy: Manila Public Information Office/FB


Inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na raratsada na rin sa pamahalaang panlungsod ng Maynila ang four-day workweek, na matatandaang ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan.

Ang inisyatibong ito ay may layong bawasan ang pagkonsumo ng mga opisina sa paggamit ng enerhiya, bilang tugon sa “oil crisis” bunsod ng lumalalang tensyon sa rehiyon ng Gitnang Silangan.

MAKI-BALITA: 4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan-Balita

Sa ibinahaging pahayag ni Mayor Isko sa kaniyang “Talk to the People” nitong Lunes, Marso 9, sinabi niyang pinirmahan niya ngayong araw ang isang executive order kaugnay dito.

“As you all know, that on March 6, President Bongbong Marcos created a circular. With that circular made by the President, ang inyong pamahalaang lungsod ay siya namang sumasang-ayon at makikisabay sa panawagan ng Pangulo ng bansa—bilang pamahalaan din—at nais ko po itong ipabatid sa inyo that a few minutes ago, I just signed Executive Order (EO) No. 8,” saad ni Mayor Isko.

Aniya, ang EO No. 8 series of 2026 o ang “an order instituting a four-day workweek” ay sumasakop sa mga departments, offices, bureaus, boards, at instrumentalities sa Manila local government unit (LGU).

Sa ilalim din nito, ang operasyong pang-opisina ay gaganapin mula Lunes hanggang Huwebes, na may kasamang “extended hours.”

“Under the order, city government offices will operate four days a week from Monday to Thursday, with extended working hours such as 7:00 a.m. to 6:00 p.m. or 8:00 a.m. to 7:00 p.m., while regular office operations will be suspended on Fridays except for agencies providing essential services,” nakasaad naman sa ulat ng Manila Public Information Office nito ring Lunes, Marso 9.

Malinaw ding sinasabi ng order na magpapatuloy ang operasyon ng emergency response units, health services, sanitation operations, public markets, at maging water pumping stations.

Samantala, hinihikayat naman ni Mayor Isko ang mga private businesses, barangay officials, at households na makiugnay din sa nasabing order mula sa pamahalaan.

Vincent Gutierrez/BALITA