March 01, 2026

Home BALITA

Anti-Cong-tractor bill, hihimayin na sa Kamara

Anti-Cong-tractor bill, hihimayin na sa Kamara

Naghain ng panukalang batas ang National Unity Party (NUP) na naglalayong ipagbawal sa mga miyembro ng Kamara ang pagpasok sa mga kontrata sa imprastruktura at konstruksyon ng pamahalaan.

Ayon kay Ronaldo Puno, House Deputy Speaker at chairman ng NUP, target ng panukala ang tinatawag na “cong-tractors” o mga mambabatas na sabay na nagsisilbing government contractors.

Sa ilalim ng iminungkahing panukala, hindi papayagang makakuha ng anumang infrastructure at construction contracts mula sa alinmang ahensya ng gobyerno ang isang kongresista. 

Saklaw din ng pagbabawal ang mga kamag-anak ng mambabatas hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak sa dugo o sa pamamagitan ng kasal. 

Kabilang sa mga ahensyang tahasang binanggit ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na pangunahing nangangasiwa sa malalaking proyekto sa imprastruktura ng bansa.

Francis Leo Marcos, pansamantalang nakalaya!

Ayon sa NUP, layunin ng panukala na tiyakin na walang mambabatas ang makikinabang sa mga proyektong pinopondohan ng gobyerno habang sila ay nanunungkulan, upang mapalakas ang tiwala ng publiko sa Kongreso.

Nakasaad din sa panukala na ang sinumang mapatutunayang lalabag sa naturang polisiya ay maaaring patawan ng awtomatikong expulsion mula sa membership ng House of Representatives, bukod pa sa iba pang posibleng pananagutan sa ilalim ng umiiral na batas.

Sa kasalukuyan, nakabinbin ang panukala sa House committee on rules para sa kaukulang pagtalakay. 

Tinatayang nasa 130 kongresista ang lumagda sa panukala, kabilang ang mga miyembro ng NUP at ng Lakas–CMD, na nagpapakita ng malawak na suporta mula sa iba’t ibang grupo sa Kamara.

Inaasahang tatalakayin sa mga susunod na linggo ang naturang panukala bilang bahagi ng mga repormang isinusulong sa loob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.