February 23, 2026

Home BALITA National

Rep. Perci Cendaña, nanindigan: 'Pinas, ibalik na sa ICC!'

Rep. Perci Cendaña, nanindigan: 'Pinas, ibalik na sa ICC!'
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Idiniin ni Akbayan Party-list Rep. Percival "Perci" Cendaña ang panawagang muling ibalik ang Pilipinas bilang miyembro sa Rome Statute ng International Criminal Court (ICC). 

Ayon sa naging pahayag ni Cendaña sa isinagawa nilang kilos-protesta nitong Lunes, Pebrero 23, 2026, bilang pakikiisa sa nakatakdang confirmation of charges ng ICC sa mga kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi niyang mga taong naninindigan ang Pilipino at isang bayang tumitindig para sa hustisya ang Pilipinas. 

“Ating sinasabi sa buong mundo, ang mga Pilipino ay mga taong naninindigan para sa katarungan,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Ang Pilipinas ay isang bayang naninindigan para sa hustisya.” 

National

Programang 'Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang,' inilunsad para sa LGUs

Ani Cendaña, dapat daw na bumalik na ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC upang hindi maulit ang umano'y sinapit ng mga Pilipino sa panahon ng war on drugs at mapanagot ang mga mang-aabuso pa sa kapangyarihan. 

“Sa dulo mga kasama, hayaan n’yong diinan ko ang panawagan ng pangangailangan na tayo’y bumalik na sa International Criminal Court, sa ICC,” aniya. 

Diin niya, “Nang sa ganoon, hindi na maulit at mapanagot ang mga mang-aabuso sa kapangyarihan.” 

Pagpapatuloy ng mambabatas, gagamitin lamang daw ng mga ganid at masasamang tao laban sa mga mahihirap na Pilipino kapag napasakamay nila ang kapangyarihan. 

“Dahil ang kapangyarihan, kapag napunta sa mga kamay ng mga ganid at masama [ay] gagamitin laban sa mga mahihirap at walang kapangyarihan,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang Marso 17, 2019 nang tuluyang kumalas sa ICC ang Pilipinas sa ilalim ng panunungkulan ni FPRRD. 

Samantala, wala naman inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag ang Palasyo kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: Karapatan Alliance PH sa 'di pagdalo ni FPRRD sa pagdinig ng ICC: 'Signos ito ng karuwagan!'

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa umano’y FPRRD kidnapping: 'Purpose nito'y ibagsak ang imahe ng Pangulo!'

Mc Vincent Mirabuna/Balita