Inilabas na ng Quezon City local government (LGU) ang traffic advisory bilang paghahanda para sa darating na ikatlong Trillion Peso March sa Miyerkules, Pebrero 25.
Saad ng QC LGU sa kanilang pahayag nitong Sabado, Pebrero 21, asahan na ng publiko ang pagbagal ng daloy ng trapiko sa paligid ng EDSA People Power Monument simula 8:00 ng umaga sa Pebrero 25.
Kasama rito ang mga sumusunod na kalsada:
• Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA)
• Katipunan Avenue
• Ortigas Avenue
• White Plains Avenue
• Temple Drive
Simula naman 9:00 ng gabi ng Martes, Pebrero 24 hanggang 6:00 ng umaga sa Pebrero 25, ipapatupad ang zipper lane sa kahabaan ng White Plains Ave., sa pagitan ng EDSA at Katipunan Ave.
Pansamantala ring isasara ang White Plains Ave., sa mismong araw ng Pebrero 25, simula 6:00 ng umaga.
Ang pagsasaayos sa daloy ng trapiko ay nakatakdang pagtulungan ng Traffic and Transport Management Department (TTMD), Department of Public Order and Safety (DPOS), Task Force Disiplina, Quezon City Police District (QCPD), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kabilang din sa paghahanda sa malawakang Trillion Peso March ang Quezon City Police District (QCPD) ay magdedeploy ng kapulisan sa mga pangunahing kalsada at makikipag-ugnayan sa QC LGU at organizers ng pagtitipon upang matiyak ang maayos na daloy ng programa at kaligtasan ng mga dadalo rito.
MAKI-BALITA: QCPD, ikinakasa na paghahanda para sa Trillion Peso March 3.0
KAUGNAY NA BALITA: PNP, naghahanda na para sa ikatlong 'Trillion Peso March' sa Pebrero 25
Kabilang din sa mga naghahanda sa Trillion Peso March ang ilang paaralan na nagkansela ng kanilang mga klase at opisina upang makilahok at gunitain ang pakikibaka ng sambayanan sa demokrasya.
MAKI-BALITA: #Walang Pasok: Mga paaralang walang pasok sa Pebrero 25
Sean Antonio/BALITA