Nagbigay ng reaksiyon ang pyschologist na si Riyan Portuguez sa naging pahayag ni Sen. Robin Padilla tungkol sa depresyon.
Matatandaang sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media nitong Miyerkules, Pebrero 11, sinabi ni Padilla na hindi umano uso ang depression noong panahon niya.
Pero sa post ni Riyan gamit ang Facebook page niyang “Your Millenial Psychologist” nitong Miyerkules, Pebrero 11, inilatag niya ang dahilan kung bakit hindi palasak na salita dati ang depression.
“Noong panahon po kasi ninyo maraming mga tao partikular na ang kabataan ang natatakot na magsabi dahil sa katulad po ninyo na kaysa maunawaan eh hinuhusgahan kaagad na 'weak' o mahina kapag may pinagdadaanan,” saad ni Riyan
Dagdag pa niya, “Maraming katulad po ninyo noon ang nagtatago sa dilim para sarilinin lang ang problema at magkunwaring ‘okay lang.’ Paano mo makikita eh nagtatago nga?”
Kaya naman hiniling ni Riyan na huwag mangyari sa pamilya ng senador ang depresyon para lang maunawaan nito ang kahulugan ng nasabing salita.
Ang depresyon ay isang clinical diagnosis na kinakailangang gamutin sa pamamagitan ng therapy at medikasyon.
Bagama’t may mga holisitikong paraan upang malunasan ito tulad ng ehersisyo, pananampalataya, meditation, at iba pa, may ilang indibidwal na nahihirapan pa ring maigpawan ang ganitong kondisyon.
Maki-Balita: Sen. Robin sa mga bata ngayon: ‘You are weak!’'