Timbog sa isang operasyong ikinasa ng mga awtoridad sa Barangay Sabang, Naic, Cavite kamakailan ang isang 48-anyos na lalaki na may nakabinbing 26 kaso ng panghahalay.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Pebrero 9, nakatala bilang “top-ranked fugitive” ng rehiyon ng Bicol ang nasakoteng suspek.
Sa bisa ng warrant of arrest para sa “Qualified Rape” na inisyu ng presiding judge ng Regional Trial Court (RTC), Fifth Judicial Region, Branch 51, Sorsogon City noong Enero 19, 2026, nahuli ng Juban Municipal Police Station (Juban MPS) at Provincial Highway Patrol Team (PHPT) ng Sorsogon ang suspek.
Wala ring inirerekomendang piyansa para sa kasong nakahain laban sa suspek.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., hindi sila lulubay hangga’t hindi nahuhuli ang mga indibidwal na lumalabag sa batas.
“No one is beyond the reach of the law. Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga lumalabag sa batas,” ani Nartatez.
Dagdag pa niya, “Through careful intelligence and coordinated action, we continue to protect our citizens from serious crime. Patuloy nating pinangangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino.”
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Juban MPS ang suspek, para sa wastong dokumentasyon at tamang disposisyon.
Vincent Gutierrez/BALITA