May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Si Kikong Balagtas at ang apat na himagsik niya sa akdang 'Florante at Laura'

KILALANIN: Si Kikong Balagtas at ang apat na himagsik niya sa akdang 'Florante at Laura'
Photo courtesy: MB/via ChatGPT

Kasabay sa Huwebes Santo nitong Abril 2, ipinagdiriwang din ang ika-238 anibersaryo ng kaarawan ni Francisco “Balagtas” Baltazar, na isinilang noong Abril 2, 1788 at namatay naman noong Pebrero 20, 1862.

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), bayaning-makata siya na hinangaan nina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at iba na patuloy na nagbibigay-inspirasyon para sa malikhaing pamumuhay at paninindigan.

Ang kaarawan ni Balagtas ay isa sa mga dahilan ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan, na may temang “Bekët Panitikan / Para sa Katwiran at Kalikasan.”

Kapag nababanggit si Kiko, palayaw niya, kasunod na nito ang kaniyang walang kamatayang obra maestra, ang awit na "Florante at Laura."

Ang awit na ito ay tungkol sa pag-iibigan ng Kristiyanong sina Florante at Laura at Morong sina Aladin at Flerida, na sa dulo ng kuwento, ay nagkasundo-sundo kahit na magkataliwas sa relihiyon.

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Madaling nakapasa sa mga paring sensor ang akda, at hindi nila nahalatang bagama't nasa ibang bansa ang mga tagpuan gayundin ang mga tauhan, maiuugnay rin sa mga suliraning panlipunan ng Pilipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol ang obra maestra niya.

Kaya naman, sa kabuuan ay may apat na himagsik daw si Kikong Balagtas sa kaniyang obra maestra.

1. Himagsik Laban sa Malupit na Pamahalaan:

- Makikita ito sa pagtuligsa sa katiwalian, kawalan ng katarungan, at mapaniil na pamamahala ng mga Espanyol na inilarawan sa pamamagitan ng pag-agaw ni Konde Adolfo sa trono ng Albanya. Tinuligsa rin ni Balagtas ang inggit, kasakiman, at pagtataksil na laganap sa lipunan. Ang karakter ni Adolfo ay simbolo ng taong handang manira ng kapwa alang-alang sa kapangyarihan at sariling interes. Ipinapakita nito na ang tunay na kaaway ng lipunan ay hindi lamang panlabas na puwersa kundi pati ang masasamang ugali ng tao.

"Sa loob at labas ng bayan kong sawi, kaliluha’y siyang nangyayaring hari, kagalinga’t bait ay nalulugami, ininis sa hukay ng dusa’t pighati," saad sa akda.

2. Himagsik Laban sa Hidwaang Pananampalataya:

- Pagbasag ito sa diskriminasyon sa relihiyon sa pamamagitan ng pagpapakita na ang morong si Aladin ay nagligtas sa Kristiyanong si Florante laban sa dalawang leon na sisila sana sa kaniya, habang nakagapos sa puno ng higera, na nagpapakita na ang kabutihan ay walang pinipiling pananampalataya. Isang matapang na mensahe ito laban sa diskriminasyon at sa maling pananaw na ang isang relihiyon lamang ang may monopolyo ng kabutihan.

3. Himagsik Laban sa Maling Kaugalian:

- Kritika sa mga negatibong gawi gaya ng labis na pagpapalayaw sa anak, pagiging mapaghiganti, at kawalan ng disiplina sa sarili, na sinambit ng mga tauhan sa kuwento, kagaya na lamang ni Antenor.

Isa sa mga kilalang saknong sa akda, "Ang laki sa layaw karaniwa'y hubad, sa bait at muni't, sa hatol ay salat, masaklap na bunga ng maling paglingap, habag ng magulang sa irog na anak."

4. Himagsik Laban sa Mababang Uri ng Panitikan:

- Pagtataguyod sa mataas na kalidad ng panitikang Tagalog laban sa mga akdang nakapokus lamang sa relihiyon at kababalaghan, na nagpapatunay na ang wikang katutubo ay makapangyarihan.

Sa kabuuan, ang Florante at Laura ay hindi lamang isang kuwento ng pag-ibig at pakikipagsapalaran. Isa itong matapang na pahayag ni Francisco Balagtas laban sa inhustisya, pang-aapi, at maling paniniwala sa kanyang panahon.

Sa pamamagitan ng panitikan, naipakita ni Balagtas na ang pagsusulat ay maaaring maging sandata—isang tahimik ngunit makapangyarihang paraan ng pakikibaka para sa katotohanan at katarungan.

Basahin: Kilalanin: Francisco Balagtas, bayaning full-time writer