Arestado ang isang 64-anyos na lalaki matapos umanong pagsasaksakin ang kaniyang asawa dahil sa hinalang may ibang karelasyon ito sa Antipolo City, Rizal.
Ayon sa Antipolo City Component Police Station (Antipolo CCPS), naganap ang insidente sa Barangay Cupang kung saan lumalabas sa imbestigasyon na pauwi na mula sa trabaho ang 55-anyos na biktima na kinilalang si “Berlinda” bandang 5:20 ng hapon nang bigla siyang lapitan ng suspek mula sa likuran at walang malinaw na dahilan na sinaksak sa likod.
Agad na isinugod ang biktima sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center para sa agarang lunas, habang tumakas naman ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksiyon.
Sinabi ng mga awtoridad na maaaring nag-ugat ang insidente sa alegasyon na may romantikong relasyon ang biktima sa ibang lalaki.
Kaagad na nai-report ang insidente sa pulisya na nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Gayunman, hindi pa rin narekober ang ginamit na patalim sa pananaksak.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Antipolo Custodial Facility at maaari siyang humarap sa kasong frustrated parricide.