Arestado ang dalawang indibidwal sa magkahiwalay na entrapment operation na ikinasa ng mga awtoridad matapos magsagawa ng “unauthorized dental services” at magpanggap bilang mga dentista.
Sa ulat na ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Enero 22, isiniwalat nila na mula sa Cagayan de Oro (CDO) at lalawigan ng Sorsogon ang mga nasakoteng suspek.
Noong Enero 14, 2026, bandang 8:00 pm, inaresto ng Regional Anti-Cybercrime Unit 10 ang isang 22-anyos na pekeng dentista sa CDO, matapos mapag-alaman ang pagkakasangkot nito sa ilegal na dental services sa lugar.
Bunsod nito, posible siyang humarap sa mga reklamo matapos labagin ang Republic Act (RA) 9484 o “Philippine Dental Act of 2007,” na may kaugnayan sa RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012.”
Hinuli naman ng operatiba ng Sorsogon Provincial Cyber Response Team ang isang 20-anyos na babae noong Enero 15, 2026, bandang 5:00 pm, matapos din itong magsagawa ng “unauthorized dental services.”
Posible rin itong humarap sa mga parehong reklamo.
Ayon kay Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., hindi sila papayag na patuloy na maglipana ang mga manloloko na maaaring maglagay sa peligro ng buhay ng iba.
“Hindi natin papayagan na may mga taong manloko at maglagay ng panganib sa buhay ng publiko. Kaya patuloy nating palalakasin ang ating cybercrime operations para protektahan ang bawat Pilipino,” saad ni Nartatez.
Paalala pa niya, “Mag-ingat po ang lahat kapag naghahanap ng serbisyo online. Siguraduhin na lisensyado ang practitioner. Kaligtasan ninyo ay hindi dapat isugal.”
“Ang bawat operasyon ng PNP ay may layuning protektahan ang tao at ipakita na ang batas ay pantay para sa lahat,” aniya pa.
Nagpaalala naman ang PNP na huwag mag-atubiling iulat sa kinauukulan ang mga kataka-taka at kahina-hinalang aktibidad na matutuklasan o maoobserbahan.
Vincent Gutierrez/BALITA