Naaresto sa Pangasinan ang isang 55-anyos na lalaki na matagal umanong nagtago matapos akusahan ng paulit-ulit na panggagahasa sa dalawa niyang menor de edad na apo.
Ayon sa pulisya, naganap umano ang krimen sa loob ng kanilang bahay sa Marikina City at tumagal nang apat na taon.
Sinasabing nagagawa ng suspek ang pang-aabuso sa tuwing naiiwan sa bahay ang mga biktima habang nasa trabaho ang kanilang mga magulang.
“'Yung unang biktima niya ay 14-years-old that time at nangyari yun from July 2021 to October 2023. Samantalang yung kaniyang nakakabatang kapatid ay nangyari naman sa kaniya 11-years old siya that time at from August 2023 to June 2024,” ani Police Marikina City Police Chief Colonel Jenny Tecson sa panayam sa media.
Hindi umano agad naipagbigay-alam ng magkapatid ang sinapit nilang pang-aabuso. Sa halip, una nilang sinabi ang nangyari sa kanilang guro na siya namang nag-ulat sa kanilang mga magulang.
Noong Setyembre 2024, pormal na nagsampa ng reklamo ang pamilya laban sa kanilang lolo.
“Nung nai-file na po yung kaso ay nawala na rin bigla yung kaanak nila dito na may kagagawan po sa kanila at ito ay napag alaman natin na nagtago nang matagal sa Pangasinan,” dagdag ni Tecson.
Noong Oktubre 2025, naglabas ang korte ng warrant of arrest laban sa akusadong kinilalang si “Alyas Jun.”
Samantala, mariing itinanggi ng akusado ang mga paratang laban sa kaniya.
“Hindi ko magagawa po kasi yung bahay po talaga namin, napakaliit lang, magkakasama po kaming lahat,” depensa niya.
Iginiit din ng suspek na ang pamangkin umano ng kaniyang asawa ang responsable sa panggagahasa sa mga biktima.
“Sila yung lagi pong magkakasama. Pagka sa gabi po, magkatabi po silang natutulog. Inosente po ako,” sabi niya.
Sa kasalukuyan, nahaharap ang suspek sa 14 na bilang ng qualified rape at nakadetine sa custodial facility ng Marikina City Police.