Isang 25-anyos na lalaki ang nasugatan matapos saksakin ng isa pang lalaki sa Barangay Parang, Marikina City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang may matagal nang hindi pagkakaunawaan ang biktima at ang suspek bago naganap ang pananaksak.
“Noong susunduin po sana ng ating biktima ang kaniyang live-in partner, yung ating witness po dito ay nakita niya po na magkasama sila nitong suspek na dati n’ya pong ka-relasyon at nauwi po yun sa isang komprontasyon at nagkaroon sila ng wrestlingan, yung biktima at suspek, at di niya na po namalayan na nasaksak na pala siya ng ating suspek,” ani Police Colonel Jenny Tecson, Chief Marikina City Police sa panayam sa media.
Tinamaan ng mga saksak sa likod at tagiliran ang biktima at agad itong isinugod sa ospital upang mabigyan ng lunas.
Ayon pa sa pulisya, humingi ng tulong ang live-in partner ng biktima kaya nakialam ang ilang residente at napalibutan ang suspek.
Kalaunan ay naaresto ang suspek at nabawi mula sa kaniya ang patalim na ginamit sa krimen.
Inamin ng 28-anyos na suspek na si “Alyas Jo” ang ginawa at sinabi nitong selos ang nagtulak sa kaniya upang saksakin ang biktima. Iginiit din niyang gumanti lamang siya matapos umano siyang saktan ng biktima.
“Siya po yung nauna na na nanakit. Sa pagsuntok tapos sa pagtulak. Nawalan na po ng kontrol, naano ko na siya, nasaksak… dahil po sa selos," sabi niya.
“Humihingi po ako ng tawad sa taong yun. Hindi ko po ginusto yung mga ganung bagay.”
Samantala, nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Marikina Police at haharap sa kasong frustrated murder.