January 23, 2026

Home BALITA Metro

Intramuros, mapupuno ng pagtatanghal buong taon—NCCA

Intramuros, mapupuno ng pagtatanghal buong taon—NCCA
Photo Courtesy: Intramuros Administration, NCCA (FB)

Inanunsiyo ni National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairman at Executive Director Eric Zerrudo ang mga pagtatanghal na ilulunsad nila sa loob ng Intramuros ngayong 2026.

Sa ginanap na press conference at stakeholders’ launch nitong Martes, Enero 20, isinagawa ang ceremonial of signing ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng NCCA at Intramuros Administration (IA).

"Ang kasunduang ito ay hindi lang pormalidad. Ito po ay kongkretong hakbang tungo sa mas masiglang pagtutulungan para sa mas marami at mas bukas na programang pangkultura para sa sambayanan,” saad ni Zerrudo.

Isa umano sa mga bunga ng pagtutulungang ito ay ang pagpapasigla sa mga pagtatanghal sa Intramuros sa pamamagitan ng Centro Entablado.

Metro

Sec. Dizon, tiniyak maiibsan lagpas-taong baha sa Araneta, QC bago ang tag-ulan

Aniya, “Simula ngayong taon at sa buong taon, magkakaroon na ng tuloy-tuloy na perfromances sa loob ng Intramuros.”

“Mga konsiyerto, koro, rondalya, mga pagtatanghal ng teatro at sayaw, at iba pang anyo ng sining,” dugtong pa ng NCCA Chairman at Executive Director.

Samantala, magsisimula ang opisyal na pagbubukas ng 2026 National Arts Month sa darating na Pebrero 1 sa Luneta Park , Maynila. 

Nakasentro ngayong taon sa “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting” ang tema ng naturang pagdirwang.