January 19, 2026

Home BALITA

Isang dekada, kailangan para maisaayos educ crisis sa bansa—EDCOM2

Isang dekada, kailangan para maisaayos educ crisis sa bansa—EDCOM2
Photo courtesy: via MB

Kinakailangan ng hindi bababa sa 10 taong reporma upang matugunan ang krisis sa edukasyon ng bansa, ayon sa Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 nitong Linggo, Enero 18, 2026.

Ayon kay EDCOM 2 Executive Director Karol Mark Yee, ang lalim ng mga problemang naipon sa sektor ng edukasyon sa loob ng halos tatlong dekada ay nangangailangan ng pangmatagalang solusyon.

“Kailangan po sa lalim na problema inipon natin ng halos tatlong dekada, we need at least 10 years. It is a decade of necessary reform,” pahayag ni Yee sa panayam sa Super Radyo dzBB.

Inihayag ito ni Yee habang naghahanda ang EDCOM 2 na isumite ang ikatlo at huling ulat nito sa Lunes, Enero 19, na naglalaman din ng isang national education plan.

National

Ex-DPWH Sec. Manuel Bonoan, nakabalik na sa Pilipinas—BI

Ayon pa kay Yee, inaasahang sa loob ng dalawang taon ay sisimulan nang ipatupad ng Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority ang mga rekomendasyon ng EDCOM 2.

 Kabilang dito ang pagtukoy kung ilang karagdagang guro at silid-aralan ang kinakailangan kada taon.

“Para sa bawat taon na nagkulang, alam natin kung ano ang balanse, alam natin kung kailan kailangan dagdagan pa ang pondo,” ani Yee.

Dagdag pa niya, “For the next two years, sisisiguraduhin ng EDCOM na hindi nagkulang sa implementation.”

Matatandaang noong Setyembre 2025, iniulat ng EDCOM 2 na may kakulangan na humigit-kumulang 165,000 silid-aralan sa buong bansa, dahilan upang pumasok ang ilang kindergarten pupils nang madaling-araw o tuluyang manatili na lamang sa bahay.

“Nakita last year, sa isang taon halos isang buong quarter ubos. Talagang walang natitira,” ayon kay Yee.

“Dahil sa rami ng suspension nangyayari sa loob ng isang year, nakikita natin 30 to 50 days talagang suspended ang klase sa isang taon,” dagdag pa niya.

Noong Disyembre 2025, iniulat din ng EDCOM 2 na nahaharap ang bansa sa isang malubhang foundational learning crisis, kung saan tinatayang 85 porsiyento ng mga mag-aaral sa Grade 1 hanggang Grade 3 ang nahihirapang magbasa.