Lumarga na pabalik sa Irkutsk, Russia ang inarestong Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy noong Sabado, Enero 17, sa paglabas ng deportation order laban sa kaniya, nang matapos na ang halos siyam na buwang pagkakadetine sa Pilipinas dahil sa reklamong harassment.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), kinumpirma nilang ibinalik na sa Russia ang vlogger lulan ng IrAero flight noong Sabado, diretso sa Irkutsk. Saad ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, blacklisted na ang nabanggit na Ruso sa Pilipinas.
“The country warmly receives guests from all nations, but respect for our laws is non-negotiable. Those who engage in harassment or disruptive acts undermine public order and will be swiftly sanctioned,” pahayag niya.
Pormal nang inilabas ng mga awtoridad ang kautusan sa pagpapa-deport sa Russian vlogger, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, sa isinagawang media conference noong Huwebes, Enero 15.
Matatandaang noong Abril 2025 nang masangkot sa ilang insidente ng umano’y pangha-harass sa publiko ang vlogger, kabilang sa isang security guard sa Bonifacio Global City (BGC) habang nagsasagawa siya ng live streaming para sa kaniyang online content.
Kaugnay na Balita: Russian vlogger na inireklamo ng harassment arestado na, posibleng ipa-deport pa!
Ayon kay Remulla, natapos na ni Zdorovetskiy ang parusang ipinataw ng korte, dahilan upang ipatupad ang kasunod na hakbang ng pamahalaan: ang pagpapaalis sa kaniya sa bansa o deportation.
Bagama’t hawak raw niya ang US green card, hindi umano ito naging hadlang sa deportasyon dahil ang kaniyang pasaporte ay inisyu ng Russia.
Kaugnay na Balita: Russian vlogger na nang-harass sa BGC, ipade-deport na!
Sa isinagawang inquest proceedings, inamin niya raw ang mga ginawa niyang prank at agad siyang ikinulong sa BI Warden’s Facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Tinangka pa raw niyang mag-apply para sa piyansa ngunit tinanggihan ito ng kawanihan.