January 19, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang kumakalat na 'superflu?'

ALAMIN: Ano ang kumakalat na 'superflu?'
Photo Courtesy: Freepik

Umusbong noong mga nakalipas na buwan sa iba’t ibang lupalop ng mundo, partikular sa Amerika at Europa, ang isang bagong variant ng influenza A (H3N2) na kung tawagin ay subclade K o mas kilala bilang superflu.

Ngunit ayon sa Department of Health (DOH), wala pa umanong natutuklasang kaso nito sa Pilipinas noong mga huling bahagi ng Disyembre 2025.

Sa panayam ng DZMM sa pulmonologist na si Dr. Marical Limpin noong Martes, Enero 6, ipinaliwanag niya ang pagkakaiba ng superflu sa karaniwang trangkaso.

Ani Dr. Limpin, “Parehas lang ang sintomas. Like, may ubo ka, nangangati ang lalamunan mo, sinisipon ka. Tapos lalagnatin ka, tapos masasakit ang mga kalamnan mo, kasu-kasuan mo. “

Human-Interest

Anak ng construction worker, manggagapas ng damo, nakatanggap ng higit ₱200k scholarship grant!

“So very much like what we expect from flu. Ang difference lang, medyo nagtatagal [ang sintomas],” dugtong pa niya.

Samantala, hindi naman ipinayo ni Dr. Limpin ang pag-inom ng antibiotic sakaling tamaan ng superflu ang isang tao.

“Kasi ‘yong viral infections talaga, basically, hindi naman ‘yan puwedeng gamitan ng mga antibiotics. Iyon ang pinakamalaking difference between bacterial and viral infections,” paliwanag niya.

Dagdag pa ng doktora, “Hindi ho antibiotic ang panggamot natin kung hindi antiviral drug. At iisa lang ho ang puwede nating maibigay diyan sa ngayon, ang Oseltamivir.”

Bukod dito, sinabi rin niya na ang pagpapabakuna ng flu vaccine ang pinakamagandang paraan upang hindi magkaroon ng ganitong kondisyon.

Halos ganito rin ang binanggit ni DOH spokesperson and Assistant Secretary Albert Domingo sa isang press conference noong Disyembre 30 kaugnay sa bisa ng pagpapabakuna laban sa superflu.

“Wala po tayong dapat ikabahala. Ang pagbakuna ay nakakapagprotekta pa rin laban sa malalang sakit at pagka-hospital,” aniya.

Gayunman, hindi pa rin maiaalis ang katotohanan na maaari umanong humantong sa komplikasyon ang superflu kung pababayaan o babalewalain.

Maaaring makaranas ng hirap sa paghinga ang isang tinamaan nito o atakehin ng Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD).

Kaya naman mahalaga pa ring isaalang-alang ang mga pundamental na hakbang upang maiwasang magkaroon nito.

Ilan sa mga puwedeng gawin ay limitahan ang pakikihalubilo sa maraming tao lalo na kung bulnerable ang kalusugan. 

Makakatulong din umano ang regular na paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng face mask kung lalabas ng bahay.