Usap-usapan ang panunupalpal ni Kapuso Drama King Dennis Trillo sa isang netizen na tumawag sa kaniyang "bading" sa comment section ng social media post niya.
Ibinahagi kasi ni Dennis ang paglalaro niya sa isang boxing arcade machine sa isang kilalang arcade at video game zone sa isang mall. Ipinamalas ni Dennis ang angking kakayahan sa pagsapak.
"Kanina pa ako nanggi-gigil dito eh," mababasa sa caption.
Kinaaliwan naman ng mga netizen si Dennis at pinuri sa kaniyang "boxing" skills.
"Panis ka boy! Galing!"
"Sana pwedeng gawin legal yang ganyan tapos yung kurakot na Congressman ang nakabitin hahaha."
"Manny Pacquiao pasok"
"lakas pala sumuntok ni idol Dennis trillio"
"Lakas mo talaga Dines!"
Subalit, hindi lahat ay natuwa sa kaniya, dahil isang netizen ang tumawag sa kaniyang "bading."
Pero hindi ito pinalagpas ng mister ni Jennylyn Mercado at cool na sinagot.
"eh ano naman kung bading? May problema ka sa mga bading? Mga beshie, kayo na bahala dito kay [pangalan ng basher] ha?" aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Dennis Trillo (FB) via Fashion Pulis
Bagama't maituturing na straight, naging epektibo at markado naman ang pagganap ni Dennis bilang miyembro ng LGBTQIA+ community sa pelikula at teleserye.
Ang una niyang pagganap bilang isang transgender woman ay noong 2004, sa pelikulang "Aishite Imasu 1941: Mahal Kita" na bahagi ng Metro Manila Film Festival (MMFF). Siya ang hinirang na "Best Supporting Actor" sa Gabi ng Parangal, at nasundan pa ng pagkilala bilang "Breakthrough Performance by an Actor" at "Best Actor" sa iba pang award-giving bodies.
Sumunod naman ay ang 2013 teleseryeng "My Husband's Lover" na pinagsamahan nila nina Tom Rodriguez at Carla Abellana sa GMA Network, na talaga namang pumatok at kumilala rin sa husay niya sa pag-arte.