Nag-iwan ng mensahe si Pangulong Bongbong Marcos sa isinagawang gift-giving na ginanap sa Kalayaan Grounds sa Malacañang nitong Sabado, Disyembre 6.
Ang Balik Sigla, Bigay Saya 2025 Nationwide Gift-Giving ay ikaapat na taon nang isinasagawa sa Malacańang na pinangungunahan ng Office of the President mula pa noong 2022.
Sa pag-welcome ng Pangulo sa mga bata, sinabi niya na nagbibigay-saya ang mga bata sa Palasyo.
“Kahit na mabigat ang hinaharap natin… kailangan maalala ang mga biyaya natin sa nakaraang taon," ani Marcos. "At ang pinakamalaking biyaya, the biggest treasure that we have here in the Philippines are these, our children, the future of our country."
Dagdag pa ni Marcos, ang mga bata raw ang dahilan kung bakit nagsusumikap ang administrayon upang mapabuti ang bansa.
“Kaming mga nagtatrabaho sa pamahalaan, kapag kami nakikita namin kayo, naaalala namin kaya kami nagtatrabaho, hindi para sa sarili namin, kung hindi para sa inyo. Kaya tumitibay ang loob namin… kayo ang dahilan sa lahat ng aming ginagawa," anang Pangulo.
Ang naturang gift-giving ay dinaluhan ng 3,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Centers at kalapit na mga barangay.
Isinagawa rin ang sabay-sabay na gift-giving activities sa 56 DSWD Centers at 78 Department of Education (DepEd) schools sa buong bansa para sa 19,000 bata.