Tila nakaguhit na sa kapalaran ni “It’s Showtime” host Kim Chiu na mananakawan siya sa isang punto ng buhay niya.
Matapos kasing mapaulat na kinasuhan ni Kim ang sariling kapatid na si Lakambini Chiu dahil sa umano’y qualified theft, lumutang ang video clip mula sa vlog niya noong 2024 Chinese New Year.
Sa X post ni “chin chaekyong” nitong Martes, Disyembre 2, mapapanood ang bahagi ng video kung saan tila nakitaan ni feng shui expert Johnson Chua ng senyales na posible umanong manakawan si Kim batay sa zodiac forecast.
“Bakit ko binaba ngayon ‘yong horse? Kasi mayro’n tayong ilang things na kailangang ingatan,” saad ni Johnson. “Ang number one talagang iingatan natin ang horse. Mayro’n kasing roberry star ang horse.”
Dagdag pa ng feng shui expert, “Ang problema kasi, when you talk about robbery, hindi lang naman pera ang ninanakaw. Puwede ang trust, ‘di ba? ‘Yong mga gano’ng klase.”
Naghayag naman ng pagkabahal si Kim sa sinabing ito ni Johnson.
“My god! Anong tiwala ang mananakaw sa akin?” anang actress-host sabay tingin sa kapatid.
Sundot pa ni Johnson, “Tapos also mga traitors and backfighters. We also need to be careful sa mga user. So medyo maging maingat ka lang.”
Matatandaang ilang buwan na ang nakalilipas simula nang lumutang ang tungkol sa isyung ito ng magkapatid sa negosyo.
Sa katunayan, sa isang episode ng “Showbiz Now Na” noong Agosto, tinalakay ng batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin ang tungkol dito.
“Ang lumalabas ngayon, binigyan daw po ng pamuhunan itong si Lakam. Binigyan ni Kim Chiu. Pero no’ng tumatakbo na ang negosyo, nalaman niya, bagsak. Sasampung libo na lang ang natira sa binigay niyang puhunan,” anang showbiz columnist.
Samantala, mas pinili naman ng legal counsel ni Kim na hindi na banggitin pa kung aling negosyo nina Kim at Lakambini ang nagkaroon ng isyu ng financial discrepancies.
Maki-Balita: Kim Chiu, kinasuhan ang sisteret!