December 13, 2025

Home FEATURES Trending

KILALANIN: Si Kween Yasmin, ang ‘All-Purpose Kween’ ng online world

KILALANIN: Si Kween Yasmin, ang ‘All-Purpose Kween’ ng online world
Photo courtesy: Kween Yasmin (FB), Canva (FB)

“ESOPHAGUS, ESOPHAGUS”

Kamakailan ay muling nag-viral ang social media icon na si Kween Yasmine matapos maglipana ang kaniyang “Kween Sans” font mula sa pinakabago niyang partnership sa isang online design platform. 

“Fully embracing our Kween Sans era,” saad ng Canva sa promotion ng bago nilang design asset na, “All-Purpose Kween.” 

Makikita sa nasabing font na naka-postura sa iba’t ibang pose si Kween Yasmin na bumubuo ng iba’t ibang letra. 

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Sa naging kwelang pakulo na ito, hindi lang mga ordinaryong netizens ang gumamit nito, ngunit pati na rin ang ilang sikat na brands, mga organisasyon, at mga malalaking personalidad. 

Dahil sa paglipana ng mga pakulong ito, kilalanin kung sino nga ba si Kween Yasmin. 

Si Yasmin Asistido o “Kween Yasmin” ay unang nakilala bilang social media content creator noong 2018, kung saan, gumagawa siya ng iba’t ibang videos at parodies mula sa mga sikat na kanta at pelikula. 

Ang pinakasumikat niyang cover at parody ay ang  “Hayaan mo sila” ng Ex Battalion na ginawa niyang “Lalaking  Manloloko.”

Ilan pa sa mga sumikat niyang gawa ay ang “peace sign meme” niya at ang “Esophagus, esophagus” niyang tula, na ayon sa kaniya ay impromptu lamang niya ginawa.

Isa pa sa mga pagkakataong nag-viral siya sa social media ay noong 2021, kung saan, hindi siya nakapasok sa online meet and greet niya dahil napuno na ang maximum na bilang ng 100 participants. 

“[G]uys sorry, gawa ako new Zoom Link for meet and greet later. Kasi po yung host Hindi po makapsok pati po ako. Haha dahil Puno na raw 100 participants lang Kasi available. Dapat pala una akong pumasok sa zoom,” ani Kween Yasmin. 

Abril 2025 naman, nakasama si Kween Yasmin sa music video ng Filipino boy group na SB19, na “Dungka!”

Kasama rin sa music video ang ilan pang content creators at celebs tulad ninaMimiyuuuh, Maymay Entrata, Alodia Gosiengfiao, at Vice Ganda. 

Dahil na sa patuloy na pag-ingay ng kaniyang pangalan sa online world, binansagan na rin siyang “Asia’s Songbook” at “All-Purpose Kween” dahil ayon sa kaniya nagagawa niya ang lahat, mula pagkanta, pagsayaw, acting, at martial arts. 

Kasama sa kamakailang “All-Purpose Kween” design assets ng canva ay ang personalized emoji niya na “Kweemojis” at litrato niyang may hawak na banner na nagsasabing, “Kween of Signs.” 

Bukod pa rito, may stock photos rin si Kween Yasmin, kung saan, makikita siyang nasa wet market, kwarto, at sala. 

Sean Antonio/BALITA