Pinabulaanan ng Phivolcs ang kumakalat na balita kaugnay sa umano’y nakatakdang pagtama ng “Big One” ngayong Lunes, Oktubre 13.
Sa isang Facebook post ng Phivolcs nito ring Lunes, nilinaw nilang wala umano silang nilalabas na abiso hinggil dito.
Anila, “Walang inilalabas na abiso ang DOST-PHIVOLCS kaugnay sa umano'y pagtama ng BIG ONE ngayong araw.”
“At hindi mandato ng ahensya ang pag-iisyu ng listahan ng mga walang pasok sa paaralan at trabaho sa bansa,” dugtong pa ng ahensya.
Nagpaalala ang Phivolcs sa publiko na wala pa umanong teknolohiyang naiimbento para matukoy kung kailan o saan mangyayari ang malakas na lindol.
“Huwag basta maniniwala! Alamin ang tamang impormasyon mula sa official website at social media accounts ng DOST-PHIVOLCS,” pahabol pa nila.
Matatandaang ang “Big One” ang malakas na lindol na kinakatakutang tumama sa Metro Manila. Ayon sa Phivolcs, posible umanong maranasan ang magnitude 7.2 na lindol sakaling gumalaw ang 100 km west valley point.
Batay sa pagtataya ng Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS), inaasahang guguho ang daan-daang gusali at mga tulay sa pagtama ng “Big One” na magdudulot ng sunog, pagkaputol ng linya ng komunikasyon, pagkawala ng supply ng kuryente at tubig.
Tinatayang aabot sa 35,000 ang masasawi habang 100,000 katao naman ang masusugatan.