Ibinahagi ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ang mga dokumento ng paghahain niya ng impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. habang nasa House of Representatives nitong Miyerkules, Oktubre 8.
Sa 37 segundong vlog habang nasa loob ng HOR, ipinakita pa ni Barzaga ang loob ng Batasang Pambansa at sinabing "Welcome to the crocodile farm."
"Absent ulit ang mga buwaya, nagbakasyon na hehehe," saad pa ng kongresista habang ipinakikita ang mga bakanteng upuan sa loob ng Batasan.
Maya-maya, ipinakita na ni Barzaga ang "sorpresa" niya sa mga netizen: ang "Marcos impeachment complaint."
Aniya, ang impeachment complaint niya ay "under the grounds of betrayal of public trust and culpable violation of the constitution."
"And hopefully, Congress will remove him soon, so we can start investigating those in the flood control anomalies, hehehe, bye bye Marcos!" saad pa ng mambabatas.
Matatandaang si Barzaga ay isa sa mga solon na kritiko ni Leyte 1st District Representative at dating House Speaker na si Martin Romualdez, na pinsan naman ni PBBM.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo hinggil dito.