Kamakailan lamang ay kumalat ang mga bali-balitang ilang tao na ang namatay sa Pilipinas dahil sa sakit na “rabies.” Maliban sa mismong sakit, marahil nakaapekto dito ang pagbabalewala sa inaakalang “maliit na kagat lang,” o kaya naman ay ang mga paniniwala sa “myths” na nakaangkla rito.
Sa panahon ngayong marami na ang nagiging biktima ng rabies, nararapat na maging alerto at maalam ang lahat hinggil sa mga tunay na impormasyon sa likod ng sakit na ito.
Karaniwang impormasyon patungkol sa Rabies
Ang rabies ay isang nakamamatay na sakit na nakaaapekto sa “Central Nervous System” (CNS) ng isang biktima. Ang virus na dala ng sakit na ito ay maaaring puntiryahin ang utak, at kung hindi man maagapan, kamatayan ang dulot nito.
Maaaring mapigilan ang pagkalat ng rabies kung agad-agad na magpapabakuna matapos makagat ng isang hayop na infected nito, ngunit ito pa rin ay itinuturing na “public health concern” sapagkat mayroon pa ring mga pumapanaw dahil dito.
Mga karaniwang paniniwala sa sakit na “rabies”
1. Aso lamang ang nagdadala ng rabies.
Tama na mga aso ang madalas na nagdadala ng rabies, ngunit ito ay karaniwan lamang. May iba pang mga hayop ang maaaring magdala ng rabies tulad ng pusa, paniki, unggoy, maging mga tao.
Ayon sa “World Health Organization” (WHO), ang rabies ay naipapasa mula sa laway ng isang infected na hayop, madalas ay sa paraan ng kagat o kalmot.
2. Hindi mo kailangan ng bakuna kung ang asong nakakagat sa’yo ay mukha namang malusog.
Ang sintomas ng rabies ay hindi agad nakikita mula sa isang infected na hayop. Ang isang hayop na may rabies, halimbawa ay aso, ay kayang ipasa ang rabies virus kahit hindi pa man ito nakikitaan ng kahit anong sintomas.
Ang abiso ng WHO, agarang magpabakuna bago pa man lumala ang posibleng kaso ng rabies, kahit na ang asong nakakagat ay mukhang “healthy.”
3. Maaari mong hintaying lumabas ang sintomas ng rabies bago ka magpabakuna.
Lubhang delikadong hintayin ang sintomas ng rabies bago pa man magpabakuna. Ang rabies ay may incubation period na maaaring tumagal mula sa ilang araw hanggang sa ilang linggo, ngunit kung lumabas na ang mga sintomas tulad ng lagnat, pagkatakot sa tubig at hangin, o kaya naman ay paralysis, kamatayan na ang kahahantungan nito.
Kung kaya’t nirerekomenda ng WHO ang preventive measure na agarang pagbabakuna upang maiwasan ang exposure sa nasabing sakit.
4. “Curable” ang sakit na rabies kahit ito ay may sintomas na.
Hanggang ngayon, wala pang “cure” ang rabies, lalo na kung mayroon nang sintomas ang biktima. Ang nag-iisang preventive measure nito ay ang pagbabakuna kung makagat o makalmot man ng isang hayop na suspetsang may rabies.
Ayon sa Mayo Clinic, ang rabies ay halos “universally fatal,” kung kaya’t dapat na mas maunawaan ang kahalagahan ng pagbabakuna matapos makagat o makalmot ng isang hayop na maaaring dala-dala ang sakit na ito.
5. Kagat lamang ng isang hayop ang maaaring makapagpasa ng rabies.
Tama na kagat mula sa isang infected na hayop ang pangkaraniwang paraan upang mapasa ito sa isang biktima, ngunit hindi lamang ito ang posibleng paraan.
Ang rabies ay maaari ding maipasa sa kalmot, bukas na sugat, o maging sa mga mucous membrane na na-expose sa laway ng isang infected na hayop, ngunit hindi ganoon.
Kung ano pa man ang paraan kung paano nakuha nito, mahalaga na gumawa agad ng aksyon upang ito ay hindi na humatong sa kamatayan.
Ngayong “World Rabies Day,” puksain na ang “myths” hinggil sa sakit na ito at ipakalat ang tamang impormasyon para sa kaligtasan ng lahat.
KAUGNAY NA BALITA: Kaso ng rabies sa bansa, bumaba ng 21%-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA