December 13, 2025

Home OPINYON Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Ang Diyos ang magdadala sa'yo sa malayo

#KaFaithTalks: Ang Diyos ang magdadala sa'yo sa malayo
freepik

Kung isa ka ring naglilingkod sa ministeryo ng Diyos, naranasan mo na rin bang kontrahin ng ibang tao dahil sa paniniwala mo? Laitin dahil naglilingkod ka? O 'di kaya'y tanggihan kapag nagbabahagi ka ng Salita Niya?

Mahirap. Masakit. Nakakapagod. 

Pero ipinapaalala ng Diyos na normal lang 'yan sa isang lingkod, sa isang Kristiyano na walang hangad kundi ibahagi ang kaligtasan na ibinibigay ng Panginoong Hesus, dahil sa huli, Siya ang magdadala sa'yo sa malayo. 

"Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, sila’y nainggit at sinimulang kontrahin at laitin si Pablo. Kaya’t buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, 'Sa inyo unang ipinahayag ang salita ng Diyos. Ngunit yamang tinatanggihan ninyo ito at itinuturing ang inyong sarili na hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya’t sa mga Hentil naman kami pupunta.' - Gawa 13:45-46

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Ang Diyos na nagluluksa para sa atin

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi palaging tinatanggap ng lahat. Kagaya na lamang ng naranasan nina Pablo at Bernabe, sila rin ay nasaktan, kinuwestiyon, kinontra, at tinanggihan. Gayunpaman, hindi nila sinukuan ang paglilingkod. 

Sa verse 47, "Ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon, ‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

Ibinahagi nina Pablo at Bernabe sa mga Hentil kung ano ang iniutos ng Panginoon sa Kanila, na naging dahilan kung bakit nagalak at nagpuri ang mga Hentil sa Salita ng Panginoon.

"Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan. Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon." - Act 13:48-49

Hindi kailangang sukuan ang pagbabahagi ng Salita ng Diyos, kundi ilaban sa panalangin at sa paghawak sa mga pangako Niya. Inilagay ka ng Diyos sa posisyon kung nasaan ka ngayon dahil pagtatagumpayin ka Niya. 

Kung may kumukwestiyon, tumatanggi, o nananakit, hindi ito tanda ng pagkatalo kundi panibagong hakbang tungo sa panibagong tagumpay at pagkakataon sa paglilingkod.

Normal na mapagod at masaktan habang naglilingkod, kaya huwag nang magulat. Magpatuloy at manatiling tapat at matapang, dahil ang Diyos naman ang magdadala sa'yo sa malayo, na Siyang nagbibigay-halaga at gantimpala.