“Akala ko ba gusto n’yo ng gobyernong matino? Bakit n’yo sinira ang property ng gobyerno?” Ito ang saad ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kaniyang pag-iinspeksyon sa Maynila, gabi ng Linggo, Setyembre 21 hanggang umaga ng Lunes, Setyembre 22.
Sa Facebook page ng Manila Public Information Office (PIO), makikita na pinangunahan ng alkalde ang pag-iikot ng Manila local government unit (LGU) sa Mendiola, Recto Ave. para isaayos ang mga nasirang kagamitan at pinturahan ang sangkatutak na vandal matapos ang mga kilos-protesta kontra-katiwalian sa gobyerno.
“Gusto ko paggising ng taga-Maynila, konti na lang sakit sa mata ang makikita nila. Masakit din sa mga taga-Maynila na makitang binaboy ang ating lugar,” aniya.
Kinaumagahan ng Lunes, Setyembre 22, nagtungo naman si Domagoso sa Mehan Garden, Unibersidad de Manila (UDM) hanggang Liwasang Bonifacio, Lawton, para ituloy ang clean up operations.
Ipinakita rin sa kaniyang Facebook page na back to normal na ang kahabaan ng Recto Ave. hanggang Mendiola.
Sa kaugnay na balita, binanggit ng alkalde na kaniyang lubos na ikinalulungkot ang mga naging paninira sa pampubliko at pampribadong pag-aari sa kasasagan ng mga demonstrasyon.
“Nalulungkot tayo. Masyadong malaki ang damage na ginawa, I don’t think mga rallyista iyon. They were in their respective places in the morning and in the afternoon, with due respect sa mga raliyista, okay naman sila sa Luneta, okay naman sila sa Liwasan, okay naman sila sa EDSA, bakit parang adik ‘tong mga nandidito?" saad niya sa isang panayam.
Gayunpaman, sinigurado niya na mananagot ang mga may kaugnayan sa riot na ito.
“Nagdesisyon sila ng ganyan, then we will throw the books at them, for all those damages, government properties, lahat ng na-apprehend will be charged, and I will make sure, I will make sure that they will pay the price,” aniya.
“Sumali ka, nakisapakat ka, nahuli ka, sama ka sa danyos. Criminal and civil, we will charge them, the City Government of Manila will charge them, whatever the Philippine National Police will charge them," dagdag niya pa.
“We’ll make sure, we’ll make them pay. Pumanatag kayo, mga batang Maynila,” pagtitiyak ni Domagoso sa mga Manileño.
Sean Antonio/BALITA