Naghayag ng reaksiyon ang Palasyo kaugnay sa malawakang kilos-protestang nakatakdang ikasa sa darating na Setyembre 21.
Sa ginanap na press briefing nitong Martes, Setyembre 16, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi umano nangangamba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa isasagawang demonstrasyon.
“Ang pagpoprotesta naman ay natural. Normal ‘yan sa bawat bansa kung may mga sentimyento ang mga kababayan natin. Hindi naman po nangangamba ang Pangulo dahil alam po niya na ang pagpoprotesta ng taumbayan ay tungkol sa paglaban sa korupsiyon,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Binanggit din po niya kahapon na siya mismo ang nagsimula upang mapaimbestigahan itong mga maanomalyang flood control projects. So, hindi po nangangamba ang pangulo…dahil alam po niya na ang magpoprotesta rito ay kakampi rin po niya.”
Matatandaang sa press briefing ni Marcos, Jr. noong Lunes ay inihayag niya ang kaniyang interes na makiisa sa nasabing pagkilos sakaling hindi siya presidente ng Pilipinas.
Aniya, “Do you blame them for going out into the streets? If I wasn't President, I might be out in the streets with them.”
Maki-Balita: 'If I wasn't President, I might be out in the streets with them!'—PBBM sa mga nagra-rally
Inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang grupo at indibidwal ang protestang nakatakdang ganapin sa Setyembre 21 sa Luneta at EDSA People Power Monument.