December 14, 2025

Home BALITA National

Kaso ng leptospirosis, bumaba; dengue, mahigpit na binabantayan

Kaso ng leptospirosis, bumaba; dengue, mahigpit na binabantayan
Photo courtesy: Unsplash

Idineklara ng Department of Health (DOH) na habang bumaba ang naitalang bilang ng kaso ng leptospirosis sa bansa, mino-monitor naman ang pagtaas ng kaso ng dengue dala ng mga pag-ulan.

Sa Facebook post ng DOH noong Sabado, Agosto 23, ibinahagi ng kagawaran na bumaba na sa 18 ang naitalang kaso ng leptospirosis mula Linggo, Agosto 17 hanggang Huwebes, Agosto 21.

At habang maaari pang magbago ang bilang na ito sa mga susunod na araw, malaki ang naging pagkakaiba nito kumpara sa naitalang 1,112 na kaso isang linggo matapos ang hagupit ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong noong Agosto 3 hanggang Agosto 9.

Sa kabuuan, mayroong 4,436 na bilang ng leptospirosis sa bansa simula Hunyo 8 hanggang Agosto 21.

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

Mas lumuwag na rin ang ilang DOH hospitals mula sa Leptospirosis cases.

Sa DOH-Tondo Medical Center, bumaba sa 7 ang daily admission na may Leptospirosis mula sa 68 na kanilang bilang sa nagdaang linggo.

Sa National Kidney Transplant Institute, 1 na lamang ang bagong admission sa kasalukuyan, mula sa 25.

At sa DOH-East Avenue Medical Center, wala nang naka-admit na Leptospirosis case sa kasalukuyan, mula sa 21 na daily admission ng sakit.

Mananatili pa ring bukas ang mga Leptospirosis Fast Lanes at handa ang mga bed capacity ng DOH hospital, habang patuloy pa rin ang pagpapatupad ng “Zero Balance Billing” na direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa basic accommodation dito.

Mga kaso ng Dengue

Sa kabilang banda, umakyat naman ng 2% ang kaso ng Dengue sa bansa mula Hulyo 20 hanggang Agosto 2.

Sa kasalukuyan, 15,161 na ang bilang ng Dengue, mula 14, 909 noong Hulyo 6 hanggang Hulyo 19.

At sa patuloy na pag-ulan sa mga susunod na araw, nakataas ang alerto ng DOH sa mga posibleng pagbabago sa kasalukuyang bilang sa pamamagitan ng pagbubukas ng Dengue Fast Lanes sa mga DOH hospital.

Abiso ng DOH

Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na panatilihin ang malinis na kapaligiran at gawin ang “taob, taktak, at takip” sa mga kagamitang posibleng pamahayan at pangitlugan ng lamok.

At kung mayroon nang nararamdamang sintomas gaya ng lagnat, pantal sa balat, pananakit ng kalamnan, kasu-kasuan, at mata, pagkahilo, at pagsusuka, maaari lamang na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na ospital o health center.

Sean Antonio/BALITA