Patay ang magpinsang paslit nang malunod matapos na aksidenteng mahulog sa lawa habang naglalakad sa sa Binangonan, Rizal noong Lunes, Agosto 4.
Hindi na pinangalanan ang mga biktima na kapwa lalaki at nagkaka-edad lamang ng 3 at 4 na taong gulang, kapwa estudyante at residente ng Brgy. Bombong sa Binangonan.
Batay sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, dakong alas-12:20 ng tanghali nang maganap ang insident sa Pritil Wharf, sa Brgy. Bombong, Binangonan.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naglalakad ang magpinsan sa tabi ng waiting shed ng nasabing wharf nang aksidente silang mahulog sa lawa at malunod.
Nakita na lang umano ng ina ng isa sa mga biktima ang tsinelas ng anak na palutang-lutang sa lawa kaya’t kaagad na humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang hanapin ito.
Kapwa wala nang malay ang magpinsan nang matagpuan ng mga rescuers at mabilis na isinugod sa Margarito Duavit Memorial Hospital upang malunasan ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.