December 14, 2025

Home FEATURES Katatawanan

Life hack? Pinag-isang birthday cake para ‘tipid,’ kinaaliwan

Life hack? Pinag-isang birthday cake para ‘tipid,’ kinaaliwan
Photo courtesy: via Estudyante 101 (FB)

Isa sa mga hindi maaaring mawala tuwing kaarawan ay ang cake—matamis na simbolo ng pagdiriwang, pagbati, at pagmamahalan.

Ngunit sa isang viral na larawan sa social media, hindi lang basta cake ang pinag-usapan ng netizens, kundi ang isang cake na may design ng buong kalendaryo ng Hulyo 2025—dahil ito ay para sa pitong birthday celebrator!

Tampok sa larawang ibinahagi sa Facebook page na "Estudyante 101" ang isang chocolate cake na tila sinadyang maging replika ng isang buwang kalendaryo.

"Happy birthday, pinag isa ko na para tipid," mababasa sa caption.

Katatawanan

Pangalang Zaldy Co, Martin Romualdez pinaskil sa labas ng memorial chapel

Hindi naman tinukoy kung sino ang may-ari ng larawan, o kung sino ang original uploader nito.

Aliw ang cake dahil sa bawat petsang may birthday, naka-highlight o may palamuti: Hulyo 2, 6, 8, 9, 10, 18, at 29. Ang mga petsang ito ay nagsilbing patunay na sa iisang cake lang, pito ang binati at ipinagdiwang.

Ayon sa ilang netizens, mukhang isa itong family, barkada, o office celebration kung saan sabay-sabay na lang ginunita ang mga kaarawan para makatipid sa gastos, lalo na’t tumataas na naman ang presyo ng mga handa sa mga party.

Pero sa halip na maging simpleng tipid move, naging creative at iconic ang resulta—isang cake na hindi lang masarap, kundi photogenic at kuwela pa.

Hindi na bago ang ganitong diskarte, lalo na sa mga malalaking pamilya o barkadahan, pero ang kakaibang presentasyon ng cake na parang planner ng birthday greetings ang siyang nagdala ng aliw sa publiko.

"Next time, sana meron namang buong taon sa cake. Parang planner na rin!"

"I actually love this idea!"

"oo nga naman lalo na't magkkaasunod na araw pa hahhhaha. Damihan nalnag ang handa tapos kayo lang pamilya para way mahayay"

"Pwede po talaga magpasulat ng ganyan?magkano po kaya additional fee?"

Sabi nga, sa panahon ng practicality at pagkamalikhain, tunay ngang nakakatuwang masaksihan kung paanong ang simpleng birthday cake ay nagiging simbolo ng pagsasama-sama, pagtitipid, at pagiging maparaan—at siyempre, ng good vibes sa social media.