Nilinaw ng Project Management Office ng MRT-7 (MRT-7 PMO) na ang kanilang mga pasilidad malapit sa Batasan Station sa Commonwealth Avenue ay hindi sanhi ng pagbaha sa lugar, kasunod ng mga panibagong pahayag na nag-uugnay sa insidente sa isinasagawang proyekto.
Anila sa isang press release, ang lahat ng estruktura ng MRT-7 sa lugar, kabilang ang mga kolum at pundasyon, ay itinayo sa labas ng mga umiiral na linya ng drainage at hindi humaharang sa natural na daloy ng tubig.
Ang mga ito raw ay itinayo alinsunod sa layout ng drainage at sang-ayon sa mga aprubadong plano ng inhenyeriya.
Anila pa, ang mga isyung inihain tungkol sa isang manhole na itinayo sa kahabaan ng drainage line ay sinuri na rin.
Batay sa disenyo, simulation, at on-site inspection, ang manhole ay hindi nakakaapekto sa daloy ng tubig sa loob ng pipe culverts.
Bagama't naapektuhan daw ng konstruksyon sa mga naunang yugto ng proyekto ang isang bahagi ng drainage system, ito ay ganap na naisagawa nang may koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang nasabing bahagi ay naibalik daw sa dating ayos matapos ang konstruksyon, at noong Marso 3, 2025, ay kinumpirma ng DPWH Quezon City 1st District Engineering Office na ang drainage ay “100% completely restored in accordance with standard plans and specifications."
Paliwanag pa nila, matapos daw ang pinakahuling pagbaha, nagsagawa ng inspeksyon ang mga inhinyero ng MRT-7 at natuklasang barado ng plastik na basura at iba pang debris ang drainage outlet.
Malaki raw ang naging epekto nito sa kakayahan ng sistema na dalhin ang tubig-ulan, na malamang ay nagdulot ng pagbaha sa kalsada.
Sa isang kamakailang pulong ng mga ahensyang kinabibilangan ng DPWH at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), humiling ang MRT-7 PMO ng anumang dokumentong magpapatunay na may sagabal sa drainage na dulot ng proyekto. Sa ngayon, wala pang naibibigay na ganoong dokumento.
Giit pa nila, ang pagbaha sa Metro Manila ay isang matagal nang isyu na may komplikadong dahilan, at madalas ay dulot ng hindi tamang pagtatapon ng basura at kakulangan sa maintenance ng mga drainage system.
Naniniwala anila ang MRT-7 PMO na mahalagang ayusin ang isyung ito sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutok sa mga pangmatagalang solusyon.
Sa pamamagitan naman daw ng Better Rivers PH program ng kanilang parent company na San Miguel Corporation, tumutulong daw ang MRT-7 sa pagbawas ng pagbaha sa pamamagitan ng paglilinis ng mga ilog na mababaw na at labis na marumi. Sa ngayon, mahigit 8.5 milyong metric tons ng basura ang natanggal sa mga ilog sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.
Ayon pa sa MRT-7 PMO, patuloy itong nakikiisa sa MMDA, DPWH, at mga lokal na pamahalaan sa mga inisyatibong naglalayong magkaroon ng mas matatag na solusyon sa drainage, mas maayos na pamamahala ng basura, at mas malakas na kakayahan laban sa pagbaha.