Wala pang naisasapinal na desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa nakaambang dagdag na pamasahe sa Public Utility Vehicles (PUV), bunsod ng pagtaas ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa public advisory ng ahensya noong Biyernes, Hunyo 20, 2025, nilinaw nilang wala pang inaaprubahang fare hike na ikinakasa habang naghihintay pa raw sila sa National Economic and Development Authority (NEDA).
"We want to be clear, no fare increase has been approved at this stage," ani LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.
Ayon pa kay Guadiz, hinihintay pa raw kasi nila ang pag-aaral na isinasagawa ng NEDA para sa posible umanong economic impact ng taas-pasahe.
"The Board is still watching the results of NEDA's economic impact study, which will serve as the basis for any future decision on fare adjustments," aniya.
Matatandaang umugong ang posibilidad na tumaas ang pamasahe sa mga pampublikong transportasyon kasunod ng pagsipa ng presyo ng gasolina at petrolyo dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.
KAUGNAY NA BALITA: Halos ₱5 dagdag-singil sa petrolyo, sisipa sa susunod na linggo
Paglilinaw pa ni Gaudiz, hindi raw kinakailangang madaliin ang desisyon sa usapin ng fare hike na nangangailangan daw ng masusing pag-aaral.
"Fare adjustments are a serious matter that require careful study, especially considering the current economic conditions," saad ni Guadiz.
Dagdag pa niya, "We are not rushing into a decision. We are waiting for NEDA's analysis and the Board will act based on facts and expert recommendation," anang LTFRB Chairperson.