Umere na nga noong Lunes ng gabi, Hunyo 16, ang inaabangang iconic fantaserye ng GMA Network na "Encantadia Chronicles: Sang'gre" sa GMA Prime.
Tampok sa pilot episode ang pakikipagtunggali ng apat na sang'gre noong 2016 na sina Kylie Padilla (Amihan), Sanya Lopez (Danaya), Gabbi Garcia (Alena), at Glaiza De Castro (Pirena) sa giant monsters.
Ipinakita na rin ang karakter ni Solenn Heussaff (Cassiopeia) at Rhian Ramos (Mitena).
In fairness, positibo ang naging tanggap dito ng fans, supporters, at viewers na talagang tagasubaybay ng fantaserye simula pa noong original version nito nina Iza Calzado, Karylle, Diana Zubiri, at Sunshine Dizon.
Trending pa nga ito sa social media platform na X at kaniya-kaniyang share na rin sa iba't ibang online platforms ang clips nito, at siyempre, hindi mawawala ang ilang memes.
Matapos ang unang gabi, nag-claim na agad ang GMA Network na natalo nila sa ratings at online views ang hindi matibag-tibag na "FPJ's Batang Quiapo" ni Kapamilya Primetime King Coco Martin.
Noong 2016, ang katapat ng Enca remake ay "FPJ's Ang Probinsyano" na si Coco pa rin ang bida.
Sa takbo naman ng BQ ngayon ay tumatakbong mayor ng Maynila si Tanggol at kalaban niya si Miguelito Guerrero, na ginagampanan ni Jake Cuenca.
Kaya nakaka-excite ang Primetime ngayon dahil paano naman kaya ile-level up ni Coco ang storyline at plot ng action-drama series na talagang kabog ang katapat niya?