June 06, 2025

Home BALITA Probinsya

San Juanico Bridge pinapasara pero walang feasibility study!—Tacloban mayor

San Juanico Bridge pinapasara pero walang feasibility study!—Tacloban mayor
Photo courtesy: Alfred Romualdez, Tacloban City Council (FB)

Naglabas ng pahayag si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez hinggil sa pagkakadeklarang "state of emergency" sa Tacloban City dahil sa hindi madaanang San Juanico Bridge na nag-uugnay sa Leyte at Samar.

KAUGNAY NA BALITA: Tacloban City, nagdeklara ng State of Emergency dahil sa San Juanico Bridge

"NO Study, NO Safety!" mababasa sa caption ng video message ni Mayor Romualdez na naka-post sa kaniyang opisyal na Facebook page, Sabado, Mayo 31.

"Tacloban under State of Emergency, still no feasibility study for San Juanico Bridge," giit pa ng alkalde.

Probinsya

₱100k pabuya, ikinasa para sa hustisya ng 3 goat dealer na pinatay sa Maguindanao

Sa mismong video message, inamin ni Mayor Romualdez na naapektuhan ng limitadong access sa San Juanico Bridge hindi lamang ang ekonomiya ng rehiyon kundi maging ang ekonomiya ng buong bansa, sa kabuuan.

Inamin ni Mayor Romualdez na maging siya ay nalilito sa nabanggit na deklarasyon dahil naniniwala raw siyang kailangang malaman ng publiko ang lahat ng impormasyon patungkol sa kondisyon ng tulay.

"Sino ba ang gumawa ng study na ito at bakit bigla-bigla na lang binigyan kami ng 48 hours para isara 'yong tulay na 'to, dahil diyan, maraming espekulasyon tuloy na there is something going on that hindi kanais-nais like corruption," giit pa ng mayor.

"I feel it is the duty of the national government to inform the public and tell them exactly who made the study, what the study says exactly, anong extent ng damage, at gaano katagal nila gagawin talaga itong tulay na 'to, kasi mahirap 'yong pabigla-bigla," aniya pa.

Hindi raw ito ang unang beses na nasira ang tulay at kinumpuni ito, subalit 20 taon na ang nakalilipas, binigyan daw ng anim na buwan ang Tacloban para maging handa sa nabanggit na pag-aayos ng tulay.

Pero naniniwala si Romualdez na kailangang may ekspertong sumuri at magpaliwanag kung magkano ang dapat gugulin sa pagkukumpuni ng San Juanico Bridge at kung gaano katagal na gagawin.

Noong Mayo 18, inihayag ng Office of the Civil Defense (OCD) na tinatayang aabot umano ng milyong halaga ang pagkukumpuni sa isa sa mga pinakamahabang tulay sa bansa.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomucena, posible raw na umabot ng ₱300 hanggang ₱500M ang kakailanganin upang makumpuni ang naturang tulay.

“Very rough estimate po ito, wala pang masyadong detalye. Between ₱300 to ₱500 million kung kinakailangan pang repair,” ani Nepomuceno.

Matatandaang kamakailan lang nang magsagawa ng pagsusuri sa tulay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan inirekomenda nila doon ang pagbabawal muna sa pagdaan ng mga malalaki at mabibigat na sasakyan.

Sa hiwalay na pahayag, pinagtibay din ng OCD ang naturang rekomendasyon ng DPWH upang hindi na raw lumala pa ang kondisyon ng San Juanico Bridge.

KAUGNAY NA BALITA: Pagkukumpuni sa San Juanico Bridge, posibleng pumalo ng ₱500M—OCD

Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang tungkol sa mga naging pahayag ni Mayor Romualdez.