Humingi ng tawad sa publiko ang content creator na si "Ser Geybin" matapos sitahin ng mga netizen sa isang video reel, tampok ang kaniyang pamangking si "Sky."
Sa nabanggit na video na may pamagat na "Slide" na ngayon ay deleted na, makikitang pinaupo at pina-slide niya ang isang bata, na pamangking babae, sa isang klase ng upuan na ayon sa netizens ay hindi naaangkop para sa isang bata.
Katwiran ng mga netizen, hindi raw dapat pinaupo ag bata sa isang "sex chair" at inupload ang video nito sa social media, dahil maaari daw magamit ito ng mga mapagsamantala at pagkakitaan.
Maging ang ilang kapwa social media personality, sinita rin si Ser Geybin kabilang na si Rendon Labador.
"HINDI NAKAKATAWA AT HINDI BIRO!!! Ginagamit ninyo ang mga bata sa kagaguhan ninyo. Mga content creators huwag kayo masasanay na BASTA MAG PUBLIC APOLOGY lang ay okay na. Dapat ito maimbestigahan at hindi dapat palampasin," anang Labador.
"Apology accepted palagi at dapat talaga itama. PERO dapat ito mapag tuunan ng pansin. Tinatawagan ko ang karapat dapat na ahensya ng gobyerno para aksyunan ito, oras na para maging accountable ang mga content creators dito sa pinas," dagdag pa niya.
Sa sumunod pang post ay ipinaliwanag pa ni Labador na kailangang sitahin ang mga aniya'y "iresponsableng" content creator.
"kung walang sisita, hindi natin maitatama."
"Lumalala na yung pag gawa ng mga iresponsableng content ng mga content creators, siguro oras na para tutukan yung mga ganitong issue. Nakakabahala na at hindi dapat pabayaan lang."
"Anong ahensya ng gobyerno ang dapat umaksyon sa mga ganitong usapin? Gising gising baka natutulog nanaman tayo sa pansitan"
"Yung kay Yanna issue, na aksyunan ng tama. Tumalino ang LTO sa issue na yun at gumalaw talaga sila. Salamat po at mababawasan na ang mga entitled na tao sa public roads. Kung wala kasing sampol walang matatakot at walang matututo," aniya pa.
MAKI-BALITA: Rendon Labador, binanatan si Ser Geybin matapos gawing content ang bata
Agad namang tinanggal ni Ser Geybin ang video sa kaniyang social media platform at naglabas ng pahayag kaugnay nito. Aniya, tinatanggap niya ang pagkakamali at nabigla lamang daw sa kaniyang pag-upload.
"Magandang Araw po mga Mam and Ser," panimula niya.
"Gusto ko lang po mag-sorry sa video reels na pinost ko po nung mga nakakaaraang araw na ang title po ay 'Slide.'"
"Aminado po akong biglaan ko po yun inupload sa mga oras na iyon at hindi ko po agad naisip ang kamalian ko."
"Maraming salamat po sa lahat ng pagtatama at pangaral n’yo po sa akin, lahat po ito ay magiging isang malaking aral po sa akin na babaunin ko po sa tinatahak po naming landas."
"Muli po, patawad po at hindi na po mauulit." aniya pa.
