May 09, 2025

Home BALITA National

Impeachment complaint vs. PBBM, ‘walang pinanghuhugutan’ – PCO Usec. Castro

Impeachment complaint vs. PBBM, ‘walang pinanghuhugutan’ – PCO Usec. Castro
(file photo)

Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na “walang pinanghuhugutan” ang isinampang impeachment complaint ng Duterte Youth party-list laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil pinairal umano ng pamahalaan ang batas nang arestuhin nila si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam nitong Biyernes, Mayo 9, sinabi ni Castro na karapatan daw ng party-list na magsampa ng reklamo, ngunit muli niyang binigyang-diin na tinupad lamang daw ng administrasyong Marcos ang commitment nito sa Interpol.

"Karapatan po nila kung nais po nilang magsampa. Pero inuulit po natin, ang complaint na ‘to, sa ating pagtingin, ay walang pinaghuhugutan. Uulitin ulit natin, ang Pangulo at ang administrasyon ay gumaganap lamang ng kanilang katungkulan at ang batas ay pinapairal pati na po ang kanilang commitment sa Interpol," giit ni Castro.

"Kung mayroon mang sariling interes patungkol dito, nanaisin pa ba nila na hindi sundin ang batas, hindi ipagpatuloy ang commitment o talikuran ang commitment sa Interpol para sa mga taong inaakusahan ng crimes against humanity?" saas pa niya.

National

CBCP, nanawagan sa mga mananampalatayang ipagdasal si Pope Leo XIV

Matatandaang noong Huwebes, Mayo 8, nang magtungo sina Duterte Youth Party-list leaders Ronald Cardema at Marie Cardema ng sa opisina ng secretary general ng House of Representatives upang ihain ang kanilang impeachment complaint laban kay Marcos dahil sa pagpayag umano nitong ipadala si Duterte sa mga “banyaga” o sa International Criminal Court (ICC).

MAKI-BALITA: PBBM, hinainan ng impeachment complaint ng Duterte Youth party-list

Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte sa The Hague, Netherlands matapos siyang arestuhin sa pakikipagtulungan ng administrasyon sa Interpol noong Marso 11, bunsod ng kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.

BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD