Ano-ano nga ba ang ilang red flags sa mga kandidato ngayong darating na 2025 midterm elections?
Sa latest episode ng “KC After Hours” noong Sabado, Mayo 3, sumalang sina EON Group CEO Malyn Molina at political strategist Alan German upang talakayin ang eleksyon sa kabuuan.
Isa sa mga nahagip ng kanilang usapan ay ang mga maituturing na warning sign kung bakit hindi dapat iboto ang isang kandidato.
Ayon kay Molina, “Pag wala ka man lang plataporma o hindi mo alam ang tama sa batas, dapat iniisip mo na ‘yon.”
“Pangalawang red flag is ‘yon nga, sana consistency,” pagpapatuloy niya. “Kung iboboto mo ‘yong dati nang nasa posisyon, isipin mo man lang, yes, ngayon may binigay sa ‘yo. Pero ‘di ba ‘yong binigay sa ‘yo mga dalawang buwan lang ‘yon kasi nangampanya? Ano ‘yong ginawa niya in the last three years?”
Dagdag pa niya, “So, kailangan isipin din natin ‘yong ang relasyon hindi lang ‘yong maliit na relasyon [kundi] ‘yong malaking relasyon. Hindi lang ‘yong pang-ako kundi pampamilya ko o pangkomunidad ko.”
Bilang panghuli, gusto sanang isama ni Molina sa listahan ang integridad ngunit ayon sa kaniya relatibo umano ang kahulugan nito sa mga Pilipino.
Samantala, sa pananaw naman ni German, ang pinakamalaking red flag umano ng isang kandidato ay ang pagkakaroon nito ng kaso at conviction.
Aniya, “Pag dati nang nagkakaso ‘yan at dati nang na-convict ‘yan or dati nang may record ‘yan, e empleyado nga kailangan ng NBI clearance e. Messenger nga kailangan ng NBI clearance, e. Ano pa ‘yong ilalagay mong mamumuno sa ‘yo?”
“The second is cause. Bakit sila tumatakbo? Ano bang rason ba’t sila tumatakbo? Ngayon, kung mapapansin mo na kaya lang pala ‘to tumatakbo dahil para ma-perpetuate ‘yong dinastiya dahil ‘yong nanay niya, lolo niya, tatay niya, kapatid niya, nakaupo na diyan,” dugtong pa ni German.
Bilang pangatlo, sinusugan ni German ang isa sa dalawang inilatag na red flag ni Molina kanina.
“I will definitely agree with Malyn. Right man for the right job. [...] Humahanap tayo ng family driver, sinong pipiliin mo? Siyempre ‘yong marunong mag-drive at may alam sa daan,” sabi pa niya.