May 03, 2025

Home BALITA National

VP Sara, binuweltahan si Usec. Castro: 'Garbage in, garbage out!'

VP Sara, binuweltahan si Usec. Castro: 'Garbage in, garbage out!'
MULA SA KALIWA: VP Sara Duterte at Usec. Claire Castro (file photo)

“Nakakahiya sa buong mundo na ganiyan yung nagsasalita para sa opisina ng Pangulo…”

Binuweltahan ni Vice President Sara Duterte ang naging patutsada sa kaniya ni Presidential Communications Office (PCO) undersecretary Claire Castro na dapat umano niyang “i-level up” ang pakikipag-argumento, “rason sa rason, datos sa datos.”

Matatandaang sa isang press briefing nitong Biyernes, Mayo 2, itinanggi ni Castro ang naunang pahayag ni Duterte na “pamumulitika” umano ang pagpapaimbestiga ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa PrimeWater ng mga Villar, at iginiit na wala na umano silang inaasahang magandang lalabas mula sa bibig ng bise presidente.

“Kung anumang pakikipag-argumento po o pag-diskusyon ng ating Bise Presidente, sana po ay i-level up po natin, rason sa rason. Datos sa datos. Huwag gamitan ng masasamang salita or pagmumura. Tandaan natin, ang Prime Waters, anoman ang naging transaksyon nito, dahil umiiyak ang karamihan, dapat po talagang maimbestigahan. So wala pong pamumulitika ito,” saad ni Castro.

National

Sen. JV sa nam*kyung motovlogger: 'We should never tolerate this kind of behavior!'

MAKI-BALITA: Palasyo, itinanggi pahayag ni VP Sara na 'politika' lang imbestigasyon ng PrimeWater

Bumuwelta naman si Duterte sa naturang pahayag ni Castro sa pamamagitan ng isang panayam ng mga mamamahayag nito ring Biyernes.

Giit ng bise, dapat daw sabihin ni Castro ang naturang mga patutsada sa kaniyang sarili dahil ito raw ang totoong “namomolitika” gamit ang opisina ni Marcos.

“Dapat sinasabi niya ‘yan sa sarili niya kasi siya yung unang-unang namomolitika gamit ang opisina ng Office of the President. Nakakahiya sa buong mundo na ganiyan yung nagsasalita para sa opisina ng Pangulo,” ani Duterte.

Iginiit din ng bise presidente na dapat umanong manalamin si Castro at saka sabihing hindi na umano ito aatake sa “kalaban” ng boss umano niya.

“Dapat niya sabihin sa sarili niya, dapat siya pumunta sa harap ng salamin at sabihin niya yan na ngayong araw na ito ay hindi na ako aatake sa mga kalaban ng aking boss at sasabihin ko lang ay ang mga ginagawa ng aking boss para sa bayan,” ani Duterte.

“Apparently, wala kasing ginagawa yung si BBM para sa ating bayan kaya wala din masabi yung tagapagsalita. So sabi ko nga, garbage in, garbage out,” saad pa niya.

Habang sinusulat ito’y wala pa namang pahayag si Castro o ang opisina ng pangulo hinggil sa naturang pahayag ni Duterte.