Patuloy pa rin ang epekto ng weather systems na Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies sa bansa ngayong Sabado, Abril 26, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang ITCZ—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao.
Inaasahan ding magdadala ang easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Samar at Southern Leyte.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Malaki rin ang tsansang magdadala ang easterlies medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).