Sinabi ni dating Vice President at mamamahayag na si Noli de Castro na may mga brodkaster ang mayroong political leanings.
Isa si De Castro sa mga resource person sa isinasagawang House Tri-Comm hearing on cybercrimes and fake news nitong Martes, Abril 8.
"Sa inyong karanasan, mayroon na ba kayong na-encounter ng isang kasapi ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na hindi tumalima sa inyong code of ethics and standards?" tanong ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman kay De Castro.
"Unang-una ho, hindi na kinakailangang dumaan sa KBP kapag may gano'n, 'yong mismong station ang nagdi-discipline sa kaniya tungkol d'yan," anang mamamahayag.
Dagdag pa niya, "Inaamin ko rin naman na may mga brodkaster na may mga political leanings. Lalo na ngayon malapit na ang eleksyon. So, mayroon ding brodkaster ang nagagamit ng ilang mga kandidato for monetary reason."
Tanong pa ni Roman: "Eh kung sakali po na 'yong mismong radio station ay kakunchaba ng isang politiko, papaano 'yon, ina-apply po ba sa ganitong instance 'yong code of ethics at standards ng KBP?"
"'Yon lang. Baka ho mamaya ay utos din ng istasyon... Meron dapat po magreklamo ang isang kandidato sa KBP," sagot naman ni De Castro.
Si De Castro ay biktima rin ng fake news. Kagaya na lamang ng kumalat na pumanaw na siya.