Sinabi ng dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque na maghahain siya ng aplikasyon ng "asylum" sa pamahalaan sa The Netherlands para maipagtanggol niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa pagdinig sa kasong "crimes against humanity" dahil sa war on drugs na naganap sa kaniyang administrasyon.
Matatandaang biglang bumulaga sa The Hague, Netherlands si Roque kasama nina Vice President Sara Duterte at Sen. Robin Padilla noong Marso 14, matapos ang pre-trial hearing sa kaso ng dating pangulo.
“Well, I’m formally announcing that after a meeting today, I’m formally filing for asylum here at the Netherlands. As soon as my application of asylum is received, I do have rights to non-refoulement,” aniya.
“Non-refoulement under the international law means number one, non-deportation until matapos ‘yung imbestigasyon if I’m entitled to an asylum status, and number two, non-prosecution for illegal entry,” dagdag pa niya.
Matatandaang may arrest order si Roque matapos ang hindi pagdalo sa House inquiry para sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ang pagiging "asylum" ay isang legal na proseso kung saan naghahain ng proteksyon at karapatang manatili sa ibang bansa ang isang indibidwal na nangangamba sa "persecution" at human rights violations sa sarili niyang bansa.