Usap-usapan ng mga netizen ang hirit ni "It's Showtime" host Karylle sa isa sa mga OPM icon at hurado ng "TNT Grand Resbak 2025" na si Nonoy Zuñiga, matapos niya itong ibuking na isa palang "DDS."
Pero ang pagiging DDS ng mang-aawit ay nangangahulugang "dentista" at hindi "Diehard Duterte Supporters."
"Ang maghuhurado sa 'yo, isa siyang DDS, isa siyang dentista, Dr. Nonoy Zuñiga!" anang Karylle.
Mapapansing natawa naman sina Jhong Hilario at iba pang hosts na nag-iinterview sa Grand Resbaker.
"'Di ba, Tito? Baka hindi nila alam, Tito Nonoy, 'di ba you're a dentist?" segunda pa ni Karylle.
"No I'm not," pakli naman ni Nonoy. "I've finished medicine."
"Ano ba 'yong DDS?" tanong ni Vice Ganda.
"Ano kasi 'yon, Doctor of Dental Science," sagot naman ni Karylle.
"Iklaro kasi natin," natatawang sundot naman ni Vice Ganda.
Pero paglilinaw ni Nonoy, hindi siya DDS kundi MD o Doctor of Medicine kaya agad ding nag-sorry si Karylle na mali raw ang nasabi sa kaniya ng kaniyang ama.
Mukhang hindi naman na-offend si Nonoy sa joke ni Karylle at nagpatuloy na sa pagbibigay ng komento sa resbaker.