March 12, 2025

Home BALITA National

4 weather systems, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

4 weather systems, nakaaapekto sa bansa – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Apat na weather systems ang kasalukuyang nakaaapekto sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes, Pebrero 17.

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang northeast monsoon o hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Batanes, Cagayan, at Apayao.

Inaasahan namang magdadala ang weather system na shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Isabela at Aurora.

Malaki rin ang tsansang magdudulot ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ)—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Palawan, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

National

ALAMIN: Ang posibleng detention center ni FPRRD sa ICC

Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki ang tsansang magdadala ang weather system na easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).