Usap-usapan ng mga netizen ang kumakalat na larawan sa social media kung saan makikita ang handwriting na paalala ng ilang staff ng noontime show na "It's Showtime" na huwag banggitin ang "Incognito" sa pag-guest ng Kapamilya actress na si Maris Racal sa segment na "TagoKanta."
Mababasa sa karatulang nakasulat sa bond paper gamit ang pentel pen, "Reminder: NO MENTION OF INCOGNITO. Thank you."
Ang noontime show ng ABS-CBN, ay kasalukuyang umeere sa noontime slot ng GMA Network, dahil sa kanilang blocktime agreement.
Ang Incognito naman ay usap-usapang action series nina Richard Gutierrez, Ian Veneracion, Baron Geisler, Kaila Estrada, Maris Racal, Anthony Jennings, at Daniel Padilla na nangungunang TV show sa Netflix at lumalaban din naman sa TV ratings.
Sa tuwing nagge-guest ang ilang Kapamilya stars sa nabanggit na noontime show, hangga't maaari ay iniiwasan ang promotion ng Kapamilya shows, dahil nga naman, magko-conflict ito sa free TV channel kung saan umeere ang Showtime, na may iba ring naka-lineup na Kapuso shows.
Pero ang ilang Kapuso stars, maaaring mag-guest sa Showtime at makapag-promote ng kanilang mga serye o proyektong ginagawa sa Kapuso Network.
Kaya napapatanong tuloy ang mga netizen kung talaga raw bang wala nang "network war" dahil kung wala na talaga, bakit naman daw hindi puwedeng mabanggit ng Kapamilya star ang sariling programa ng ABS-CBN? Nakalkal tuloy ang nabanggit noon ni GMA Network Chairman Atty. Felipe Gozon sa isinagawang contract signing ng ABS-CBN at GMA para sa pag-ere ng It's Showtime na "TV war is finally over!"
Anyway, sey naman ng mga netizen, baka naman nakalagay naman ito sa kontrata ng dalawang network, at kung nagkasundo naman ang mga ehekutibo ng dalawang network, wala naman sigurong problema.
Narito ang ilan sa mga hanash at kuda ng netizens:
"Ganun talaga siguro kasunduan nila wag na natin pakialaman hehehe."
"Akala ko ba wala na network war bakit may mga ganiyan pa rin..."
"Let us just respect kung anong agreement ng dalawa, win-win naman sila eh."
"Yung napagbawalan ka mag-promote sa sariling show ng network haha."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ng ABS-CBN, GMA, o maging ng hosts o pamunuan ng It's Showtime tungkol dito.