Tatlong katao ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pamemeke umano ng persons with disability (PWDs) identification cards (IDs) at iba pang dokumento sa isang entrapment operation sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.
Nakapiit na ang mga suspek na nakilalang sina Marites Esedera, 34; Erdie Macaspac, 49, at Michelle Janaban, 31, pawang mga residente ng Sta. Cruz, Manila.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas-5:40 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng MPD-DID Tracker team ang isang maliit na silid sa Barangay 310, sa Quezon Boulevard sa Sta. Cruz, matapos na makatanggap ng tip hinggil sa pamemeke ng PWD IDs doon.
Kaagad na nagkasa ng entrapment operation ang mga suspek at inaresto ang mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang mga kagamitan sa paggawa ng pekeng IDs, kabilang na ang computer set; printer; isang pakete ng paper vellum; metal ruler; at cutter; gayundin ang ilang pirasong pekeng PWD IDs; at P700.
Ayon sa pulisya, kabilang sa mga pekeng PWD IDs na iniimprenta ng grupo ay mga inisyu sa ilang siyudad sa Metro Manila, kabilang ang Maynila, Quezon City, Pasig, at Muntinlupa, at maging sa Angat, Bulacan.
Nabatid na sinimulan ng mga suspek ang ilegal na aktibidad noong nakaraang taon, sa halagang P100 bawat isang pekeng ID, kung direktang ipapagawa, at P200 kung dumaan sa fixer.
Napag-alaman din na ang template ng pinipekeng IDs ay mula mismo sa fixer o sa kostumer at kinokopya lamang nila.
Bukod aniya sa pekeng PWD IDs, gumagawa rin sila ng iba pang pekeng dokumento gaya ng birth certificate, transcript of records, at certificate of employment.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong falsification of public documents at manufacturing and possession of instruments of implements for falsification sa piskalya.