Hiningan ng reaksiyon si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa panukalang muling ibalik ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Sa ginanap na “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025,” sinabi ni Dela Rosa na ang ICC umano ay hindi talaga hustisya ang hinahangad.
“ICC is not all about justice; ICC is about control. They are not after justice; they are about controlling all member nations of the ICC,” saad ni Dela Rosa.
Ito ay matapos banggitin ni dating Bayan Muna party-list representative Teddy Casiño sa inilatag niyang posisyon ang pangalan ni Dela Rosa sa debate na kailangan umanong ibalik ang ICC sa bansa.
“Kailangan nating bumalik sa ICC dahil bulok ang sistema ng hustisya sa ating bansa at kailangang may ibang matatakbuhan ang mga biktima ng matitinding krimen sa ating bansa.Dito po kasi sa ating bansa double standard ang justice system, e,” saad ni Casiño
Dagdag pa niya, “Kung mahirap ka, wala kang koneksyon, wala kang makukuhang hustisya lalo na kapag ang nambiktima sa ‘yo ay pulis, military, o kaya mataas na opisyal ng gobyerno. Mabuti na nga lang ho nakasuhan si General Bato at President [Rodrigo] Duterte.”
Matatandaang iminungkahi ng Quad Committee noong Disyembre 2024 na sampahan ng kasong crime against humanity sina Duterte, Dela Rosa, at anim na iba pa dahil sa implementasyon ng giyera kontra droga sa panahon ng panunungkulan ng dating pangulo.