Sinawimpalad ang isang ginang sa Maramag, Bukidnon matapos siyang mabagsakan sa batok ng langkang may bigat na tinatayang apat na kilo.
Sa latest episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong Linggo, Enero 19, ikinuwento ng anak ni “Ruth” na si “Lily” na naglalaba raw sila ng ina bago ang insidente.
“Bumalik siya para tingnan kung tapos nang umikot ‘yong washing machine. Paglakad niya papunta do’n, diretso ang pagbagsak [ng langka],” lahad ni Lily.
Dagdag pa niya, nakabulagta na raw ang kaniyang ina nang lingunin niya ito. Kaya sumigaw siya para humingi ng tulong.
Isinakay nila sa tricycle si Ruth at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital. Dito natuklasang nagtamo siya ng pinsala sa gulugod o spinal cord.
Ayon kay Dr. Edmund Garcia na tumingin sa kondisyon ni Ruth, “Kritikal talaga, ma’am. Kasi ‘yong pasyente dumating dito naapektuhan ‘yong utak niya. Kailangan i-intubate ‘yong patient. Talagang impending respiratory failure.”
Ngunit dahil walang espesyalista sa Bukidnon Provincial Hospital - Maramag kung saan unang dinala si Ruth, inilipat siya sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan De Oro.
Bagama’t bahagyang natagalan bago nakarating sa nasabing ospital, stable naman daw ang pasyente.
“But ‘yong neurologic niya is zero. So meaning paralyze,” saad ni Dr. Christopher Balaba na isang spine surgeon.
Kaya para sa mga nais magpaabot ng tulong, magdeposito lang sa sumusunod na bank account: Land Bank - Maramag, Bukidnon, Lourivell R. Celoso - 2106251749
Samantala, hindi na inireklamo pa ng pamilya ni Ruth ang may-ari ng lupang kinatitirikan ng puno ng langka. Ngunit para hindi na raw maulit pa ang insidente, nagpasyang ipaputol na ito.