January 14, 2025

Home BALITA

'Definitely!' Sen. Robin, bobotong 'No' sa impeachment ni VP Sara

'Definitely!' Sen. Robin, bobotong 'No' sa impeachment ni VP Sara
Photo courtesy: via Balita / Inday Sara Duterte (FB)

Ipinagdiinan ni Senador Robin Padilla na "No" ang boto niya kung sakaling umakyat na sa senado ang tungkol sa impeachment case na inihain sa Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa ambush interview ng media kay Padilla sa pagdalo niya sa nationwide "National Rally for Peace" nitong Lunes, Enero 13, sinabi ng senador na sang-ayon daw siya sa sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. noon sa mga kongresista na huwag nang isulong pa ang binabalak na impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo dahil "waste of time" lamang daw ito.

At kapag nakarating nga sa senado ang tungkol sa usapin, ngayon pa lamang daw ay sinasabi na ni Padilla sa lahat na ang boto niya ay "no."

"Definitely... siguro naman po napakaplastik ko naman kung sasabihin ko ho sa inyo 'pag 'yan eh umakyat sa senado, eh mag-iisip pa kayo kung ano boto ko, definitely ako po ay pabor sa sinasabi ng ating Pangulo, ako po ay pabor para sa ating Pangalawang Pangulo," aniya.

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

Nang sundutin ng tanong kung magno-No ba siya, "Definitely," aniya habang tumatango.

Si Sen. Robin Padilla ay miyembro at pangulo ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na ang chairman ay si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ama ni VP Sara.