Isang tricycle driver sa Tondo, Maynila ang patay matapos pagbabarilin ng hindi pa tukoy na mga suspek at pinaniniwalaang biktima umano ng mistaken identity.
Sa panayam ng ilang local media outlets sa kapatid ng biktima, noong Sabado, Enero 4, 2025, isinalaysay niyang nakikipag-usap lamang daw ang kaniyang kapatid nang may tumigil umanong isang motorsiklo sa harapan nito at may hinanap na pangalan.
“Sabi daw po may umakbay na lalaki. Ngayon may tinanong daw po na pangalan kung siya daw po ‘yon. Hindi raw po nagsalita (yung biktima) dahil nakita daw po ng kuya ko na may baril daw po yung lalaki. Kaya ang ginawa po ng kuya ko umatras, pag-atras daw po, doon po pinaputukan ang kuya ko ng baril,” anang kapatid ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, hindi raw bababa sa limang basyo ng bala ang narekober sa crime scene. Isasailalim din daw sa autopsy ang bangkay ng biktima.
Samantala, nilinaw naman ng barangay na wala rin ang biktima sa kanilang drug watchlist kung kaya’t hindi raw nila matukoy kung ano ang motibo sa pagpaslang dito.
Bagama’t gumagamit daw ng ilegal na droga ang biktima, batay sa depensa ng kaniyang kapatid ay hindi raw naging sanhi ng gulo sa kanilang lugar ang kaniyang kuya.
“Pero kahit po gumagamit ‘yon wala po siyang inagrabyadong tao. Wala naman pong nakakaaway ‘yan eh,” saad ng kapatid ng biktima.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang suspek sa pagpaslang sa biktima lalo’t matagal na raw sira ang CCTV sa lugar na pinangyarihan ng naturang krimen.