Si Carlos Yulo ang pararangalang "Athlete of The Year 2024" sa gaganaping awarding ceremony ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Enero 27, Manila Hotel.
Matapos makasungkit ng dobleng gintong medalya sa ginanap na Paris Olympics 2024 para sa artistic gymnastics, deserve na deserve ni Caloy ang parangal na ito, sa kabila ng mga personal at pampamilyang isyung kinaharap niya kasabay ng tagumpay sa sports.
Si Carlos ang pangalawang gymnast na tatanghaling athlete of the year. Ang unang gymnast na nagawaran ng ganitong parangal ay si Pia Adelle Reyes, noon pang 1997. Sumikat si Reyes sa pagsali niya sa 1997 Jakarta Southeast Asian (SEA) Games, na humakot ng tatlong gold medals matapos manalo sa balance beam at all-around event.
Noong 2001 SEA Games naman na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia, nakapag-uwi si Reyes ng silver medal sa balance beam at bronze medal naman sa floor exercise.
Bukod sa Athlete of The Year award, bibigyang parangal din ang iba pang atleta para sa "NSA of the Year," "President's Award," "Executive of the Year," "Tony Siddayao Awards," "Hall of Fame," at espesyal na rekognisyon sa iba pang Filipino Olympians na lumahok sa Paris Olympics at Paralympics.
Hindi ito ang unang beses na hinirang na "Athlete of the Year" si Yulo. Siya rin ang ginawaran ng ganitong parangal ng ilang magazine brand sa bansa. Nakatanggap din siya ng “Impact Award for Culture” mula sa isang lifestyle magazine.
MAKI-BALITA: 'Golden Boy' Carlos Yulo, itinanghal na Athlete of the Year!
Ang Athlete of The Year naman noong 2023 ay si male pole vaulter EJ Obiena.