Dalawang beses pang nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Disyembre 29.
Base sa ulat ng Phivolcs, nasa 43 hanggang 49 minuto ang haba ng naturang ash emissions ng Kanlaon.
Bukod dito, naitala rin ang 16 volcanic earthquakes kabilang ang 6 volcanic tremors, na tumagal ng 49 hanggang 84 minuto.
Nagbuga ito ng 3,984 tonelada ng sulfur dioxide noong Sabado, Disyembre 28.
Samantala, inihayag din ng Phivolcs ang pagbuga ng namamagang bulkan ng plume na may taas na 1200 metro, na napapadpad sa kanlurang bahagi nito.
Dahil dito, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Habang isinusulat ito’y nananatili pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest) ang status ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang Bulkang Kanlaon kasunod ng naging pagputok nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!